Bakit patuloy na nalalagay sa panganib ang buhay ng mga pasahero?
Hindi na bago sa publiko ang mga balitang may kinalaman sa aksidente ng pampasaherong bus.
Ngunit ang nangyari noong ika-30 ng Mayo sa Marcos Highway, Tuba, Benguet ay tila nagmulat sa atin sa mas malalim na suliranin ng isa sa pinakamalaking kompanya ng bus sa bansa, ang Victory Liner.
Ayon sa ulat ng pulisya, isang Victory Liner bus ang patungo sa La Union nang makaranas ito ng mechanical problems habang dumadaan sa paakyat na kalsada. Dahil dito, nabangga nito ang isa pang Victory Liner bus sa kabilang linya at isang SUV bago tumama sa konkretong harang at tumaob. Isang pasahero ang nasawi at mahigit 90 ang nasugatan, 95 ayon sa ulat ng GMA News, 87 naman ayon sa ibang News Agency.
Bilang tugon, naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-araw na preventive suspension laban sa 26 na bus units ng Victory Liner. Naglabas din ito ng show cause order na nag-uutos sa kompanya na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang prangkisa.
Mayroon bang kakulangan sa guidelines at training?
Ang malaking katanungan na bumabagabag sa publiko ay ang pahayag ng isang dating opisyal na tila hindi na masyadong pinagtutuunan nang maayos ang mga guidelines at proper training sa ilan sa mga empleyado ng Victory Liner. Lalo na sa mga Driver, Totoo kaya ito?
Bagama’t kilala ang Victory Liner sa pagpapatupad ng defensive driving seminar para sa kanilang mga driver at mayroon silang comprehensive training programs, tila may butas pa rin sa kanilang sistema.
Ayon sa ilang mga nag imbestiga, posibleng ang human error at overloading ang pangunahing sanhi ng collision.
Iniulat na ang isa sa mga bus ay maaaring overloaded, ang Baguio-bound bus ay may 39 na pasahero, samantalang ang Dagupan-bound ordinary bus ay maaaring may mahigit 60. Ang sobrang kargamento at posibleng mekanikal na problema ay nagdulot sa driver na mawalan ng kontrol.
Kung totoo ang mga alegasyong ito, hindi sapat ang pagkakaroon ng training programs kung hindi naman ito naipapatupad nang maayos. Ang buhay ng mga pasahero ang nakasalalay at sa pagkakataong ito, may isang namatay at marami ang nasugatan.
Bakit walang kompetisyon sa Zambales?
Isa pang isyu na dapat bigyang-pansin ay ang umano’y monopolyo ng Victory Liner sa Zambales at iba pang probinsya sa Central at Northern Luzon. Noong 2012, may mga ulat na nagbabala laban sa posibleng monopolyo matapos ipagkaloob ng gobyerno ang halos 500 bus franchises ng dating Pantranco sa Victory Liner Group.
Ang kawalan ng kompetisyon ay nagdudulot ng complacency. Kapag walang ibang bus company na puwedeng pumalit, walang sapat na pressure para sa Victory Liner na pagbutihin ang kanilang serbisyo. Bakit hindi maglagay ng ibang bus company sa Zambales? Ang kompetisyon ay magtutulak sa kanila na mas paigtingin ang kanilang serbisyo, seguridad, at pananagutan sa mga pasahero.
Panahon na para sa pananagutan at pagbabago
Hindi maaaring ipagwalang-bahala ng Victory Liner ang mga pangyayaring ito. Ang LTFRB, sa pangunguna ni Chairperson Vigor Mendoza II, ay dapat tiyakin na ang imbestigasyon ay magiging malalim at walang kinikilingan. Dapat ding siguraduhin na ang mga biktima ay mabibigyan ng agarang tulong medikal at financial assistance.
Ngunit higit sa lahat, kailangan ng Victory Liner na magsagawa ng comprehensive review ng kanilang operasyon, mula sa maintenance ng kanilang mga sasakyan, sa training ng kanilang mga driver, hanggang sa pagsunod sa load capacity ng bawat bus. Hindi sapat ang paghingi ng tawad; kailangan ang konkretong aksyon.
Sa panig naman ng gobyerno, dapat pag-aralan ang pagbubukas ng mga ruta sa Zambales at iba pang probinsya sa ibang bus companies upang magkaroon ng kompetisyon at hindi maipit ang publiko sa iisang provider lamang.
Ang bawat buhay na nawawala o nasusugatan sa kalsada ay isang buhay na hindi na maibabalik. Panahon na para sa Victory Liner at sa lahat ng pampasaherong bus companies na unahin ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero higit sa anupaman.




Leave a comment