SAN ANTONIO, Zambales — Nakatanggap ng food packs ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa San Antonio, Zambales, sa isinagawang “Drive-Thru Foodpacks” program ng lokal na pamahalaan noong Huwebes, Agosto 20.

Isinagawa ang pamamahagi sa harap ng bagong munisipyo ng bayan sa pangunguna ni Mayor Dok Arvin Rolly Antipolo bilang bahagi ng pagtugon sa pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha dulot ng Habagat.

Mistulang drive-thru ang sistema ng pamamahagi, kung saan isa-isang tumanggap ng food packs ang mga benepisyaryo mula sa kanilang mga sasakyan.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga tricycle driver at iba pang TODA member na umaasa sa araw-araw na pasada bilang pangunahing pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.

Layunin ng programa na maihatid agad ang tulong sa mga residenteng nangangailangan, partikular sa mga naapektuhan ang kabuhayan dahil sa kalamidad at masamang panahon.

Nakipagtulungan sa pamamahagi ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Mayor’s Office at Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Atty. Jojo Bactad.

Nagpasalamat ang lokal na pamahalaan sa mga ahensya, opisyal at kawani na tumulong sa paghahanda at pamamahagi ng ayuda sa mga TODA member.

Sinabi ng San Antonio LGU na patuloy itong makikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente at mapalakas ang pagtugon ng bayan sa mga kalamidad.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa tulong na kanilang natanggap, na makatutulong umano sa kanilang pamilya habang patuloy na bumabangon mula sa epekto ng pagbaha. (Ulat ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)

Larawan mula sa San Antonio PIO

Leave a comment

Trending