IBA, Zambales — Inirekomenda ng Zambales Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang pagdedeklara sa buong lalawigan bilang nasa state of calamity dahil sa malawakang pinsalang dulot ng pinalakas na Habagat at mga bagyong Luis at Maymay.

Sa Resolution No. 02, Series of 2026, na pinagtibay noong Agosto 19 sa Provincial Capitol sa Iba, binanggit ng PDRRMC ang malawakang pagbaha, pagguho ng lupa at soil erosion, pagkasira ng mga bahay at pananim, pagkaantala ng transportasyon at pinsala sa mahahalagang imprastraktura.

Batay sa PDRRMO Situational Report No. 23, nasa 5,770 pamilya o 17,317 indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad.

Kabilang sa pinakamalubhang pinsala ang pagkawasak ng Sta. Fe Bridge sa San Marcelino matapos tangayin ng malakas na agos ng ilog, na nag-iwan sa Barangay Sta. Fe na isolated at naglimita sa access sa pagitan ng mga komunidad sa magkabilang panig ng ilog.

Nasa 119 residente rin ng barangay ang napilitang lumikas dahil sa pagbaha at inilipat sa mas ligtas na lugar.

Noong Biyernes, Agosto 21, nagtungo si Gov. Hermogenes Ebdane Jr. sa Barangay Sta. Fe upang inspeksiyunin ang lugar at alamin ang kalagayan ng mga residente.

Kabilang sa mga tinalakay ang problema sa access sa barangay matapos tangayin ng rumaragasang tubig na may halong lahar ang tulay noong kasagsagan ng Habagat.

Kasama ni Ebdane sa inspeksyon sina San Marcelino Mayor Elvis Soria, PDRRMO Head Rolex Estella, San Marcelino MDRRMO Chief Arsenio Edar Mauricio III, mga kinatawan ng Philippine National Police at Provincial Engineering Office, at iba pang lokal na opisyal.

Ayon kay Soria, kabilang sa mga tinalakay ang posibilidad na gamitin ang Omaya–Sta. Fe Road bilang alternatibong daanan upang mapabuti ang access papunta at palabas ng barangay at mapabilis ang pagresponde at paghahatid ng tulong sa panahon ng emergency.

Iniulat din ng PDRRMC ang malawakang pagkasira ng flood-control at river-protection structures sa ilang bayan, kabilang ang slope protection, river dikes at iba pang pasilidad na ginagamit sa pagkontrol ng baha.

Tinatayang P390.22 milyon ang pinsala sa imprastraktura, ayon sa Department of Public Works and Highways, habang P966.25 milyon naman ang tinatayang kakailanganin para sa recovery, rehabilitation at reconstruction.

Bukod dito, tinatayang P96.85 milyon ang pinsala sa mga flood-control infrastructure na iniulat ng mga municipal disaster risk reduction and management offices, habang P114 milyon ang kinakailangang pondo para sa recovery.

Malaki rin ang epekto sa agrikultura, kung saan 1,007 magsasaka at 810.48 ektarya ng palayan ang naapektuhan. Tinatayang P11.22 milyon ang pagkalugi sa palay pa lamang.

May naitala ring pinsala sa high-value crops, livestock, fisheries, aquaculture, agricultural infrastructure, irrigation facilities, makinarya at kagamitan.

Ayon sa PDRRMC, nananatili ang banta ng masamang panahon, kabilang ang posibleng karagdagang pagbaha at pagguho ng lupa, kaya kinakailangan ang patuloy na paghahanda, pagtugon at mga hakbang para sa pagbangon.

Nauna nang nagdeklara ang Masinloc ng municipal state of calamity sa bisa ng Municipal Resolution No. 217-26 noong Agosto 17 dahil sa malawakang pagbaha, pinsala sa mga ari-arian at pagkaantala ng mga pangunahing gawain.

Sinabi ng PDRRMC na ang pinsala sa mahahalagang imprastraktura, partikular ang Sta. Fe Bridge at mga flood-control facility, ay nangangailangan ng interbensiyon sa antas ng lalawigan.

Sa pamamagitan ng province-wide declaration, inaasahang mapalalakas ang koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan sa response, relief, early recovery at rehabilitation operations.

Pormal na inirekomenda ng PDRRMC sa Sangguniang Panlalawigan ng Zambales ang pagdedeklara sa buong lalawigan bilang nasa state of calamity.

Inatasan din ng konseho ang patuloy na validation at pag-update ng damage, loss and needs assessment upang magsilbing batayan sa recovery, rehabilitation at reconstruction.

Ang resolusyon ay pinagtibay ni PDRRMO Head Rolex E. Estella at inaprubahan ni Ebdane, chairman ng PDRRMC. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

Mga larawan mula sa San Marcelino Public Information Office

Leave a comment

Trending