Nanawagan ang DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)–North sa publiko na makiisa sa pangangalaga ng mga pawikan at kanilang mga tirahan kasabay ng pagdiriwang ng World Sea Turtle Day 2026 ngayong Hunyo 16.
Ayon sa DENR MEO–North, mahalagang bahagi ng konserbasyon ng yamang-dagat at rehabilitasyon ng Manila Bay ang pagpapanatili ng mga tirahan ng mga pawikan, kabilang ang mga baybayin, coral reefs at seagrass beds.
Sinabi ng tanggapan na ang Pilipinas ay tahanan ng lima sa pitong species ng sea turtles sa mundo—Green, Hawksbill, Loggerhead, Olive Ridley at Leatherback—na gumagamit sa bansa bilang bahagi ng kanilang migratory routes, feeding grounds at nesting areas.
Binigyang-diin din ng DENR MEO–North na mahalaga ang papel ng mga pawikan sa pagpapanatili ng kalusugan ng marine ecosystem, partikular sa coral reefs at seagrass ecosystems na nagsisilbing tahanan ng iba’t ibang uri ng yamang-dagat.
Iniulat ng tanggapan na ilang pawikan na rin ang nasagip sa Metro Manila sa tulong ng mga lokal na komunidad at mga tauhan ng DENR. Kabilang dito ang isang Hawksbill Sea Turtle na nasagip sa Navotas City noong 2023, isang Olive Ridley Sea Turtle na na-stranded sa Navotas noong 2025, at isang Green Sea Turtle hatchling na natagpuan sa Malabon–Navotas River sa parehong taon.

Ayon sa DENR MEO–North, ipinakikita ng mga insidenteng ito na nananatiling konektado ang mga ilog, estero at baybayin ng Metro Manila sa mas malawak na marine ecosystem ng Manila Bay at nagsisilbing bahagi ng mga rutang dinaraanan ng iba’t ibang marine wildlife species.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng tanggapan ang publiko na ang pagtatapon ng basura sa mga katubigan ay may direktang epekto sa kaligtasan ng mga pawikan. Ang mga plastik at iba pang marine debris ay maaaring makain o makasugat sa mga ito, habang ang mga lambat at iba pang gamit-pangisda ay maaaring maging sanhi ng pagkakasabit at pagkamatay ng mga pawikan.
Muli ring ipinaalala ng DENR MEO–North na protektado ang mga pawikan sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001, at hinikayat ang publiko na makiisa sa pangangalaga ng mga katubigan at yamang-dagat upang mapanatili ang kanilang kaligtasan at ang balanse ng marine ecosystem. (Ang Pahayagan Reportorial Team)
📸 DENR NCR


Leave a comment