CASTILLEJOS, Zambales — Tampok ang kultura, lokal na kabuhayan at potensyal sa turismo ng Barangay Looc sa pagdiriwang ng ikatlong Looc Balsa Festival, kung saan nagsama-sama ang mga residente upang ipakita ang kanilang mga kakayahan at ipagmalaki ang likas na yaman ng kanilang komunidad.

Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ang balsa-making contest, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng balsa sa pamumuhay ng mga lokal, gayundin ang paligsahan sa pag-iihaw at pagluluto ng isda. Nagtagisan ang mga kalahok sa paghahanda ng mga pagkaing isda, na nagpapakita ng yaman ng kanilang lokal na produksyon at husay sa pagluluto.

Kilala ang Barangay Looc sa malawak nitong Looc Lake, na nagsisilbing mahalagang bahagi ng pamumuhay at pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming residente. Malaki ang papel ng lawa sa mga gawaing pangkabuhayan ng komunidad, kaya naman layunin ng festival na higit pang maipakilala ang lugar at ang mga oportunidad na maaaring idulot ng maayos na pagpapaunlad ng turismo.

Ayon kay Castillejos Vice Mayor Niño Esposo, mahalagang mabigyan ng higit na pagkilala ang Barangay Looc dahil sa lokasyon nito, na hindi karaniwang nadaraanan ng mga bumibisita sa bayan. Aniya, makatutulong ang pagpapalakas ng turismo upang mas maraming tao ang mahikayat na sadyang puntahan ang lugar at matuklasan ang mga natatanging atraksyon nito.

Kabilang sa mga potensyal na maipagmamalaki ng Looc ang karanasan sa pagsakay sa balsa sa lawa, na maaaring maging isang atraksyong panturismo at karagdagang pagkakakitaan ng mga residente. Sa pamamagitan nito, hindi lamang maipakikilala ang likas na ganda ng Looc Lake, kundi mabibigyan din ng pagkakataon ang mga lokal na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Sa pamamagitan ng taunang Balsa Festival, hangad na higit pang maitaguyod ang Barangay Looc bilang isang destinasyong panturismo sa Castillejos, habang pinahahalagahan ang mga lokal na tradisyon, likas na yaman at kabuhayang nakasalalay sa lawa. ~ by Marti Dumaguing/Ang Pahayagan

Leave a Reply

Trending