OLONGAPO CITY — Isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng bagong apat na palapag na school building sa Olongapo City National High School (OCNHS), na inaasahang makatutulong sa pagtugon sa kakulangan ng pasilidad sa paaralan.
Pinangunahan ang seremonya nina Olongapo City Mayor Atty. Rolen C. Paulino Jr. at Department of Education (DepEd) Undersecretary for Administration Atty. Mel John Versoza, kasama ang mga opisyal ng DepEd Schools Division Office (SDO) Olongapo noong Setyembre 11.
Ayon kay Versoza, bahagi ang proyekto ng patuloy na pagsisikap ng DepEd, sa pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara, na mapabuti ang mga pasilidad na ginagamit ng mga mag-aaral at matiyak ang mas maayos na learning environment.
Samantala, sinabi ni School Principal IV Dr. Sandy T. Cabarle, Ed.D., na malaking tulong ang bagong gusali sa pag-accommodate sa patuloy na bilang ng mga estudyante sa OCNHS.

Inaasahan din nitong mababawasan at tuluyang maiiwasan ang shifting ng klase na kinakailangan kapag hindi sapat ang mga silid-aralan para sa lahat ng mag-aaral.
Ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaan na naglalayong pabilisin ang procurement at konstruksyon ng mga bagong school building sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng DepEd at mga local government unit (LGU).
Nauna nang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangang tugunan ang malaking classroom shortage sa bansa. Batay sa datos na binanggit ng Pangulo, tinatayang 145,000 classroom units ang kinakailangan pa sa buong bansa.
Sa Olongapo, inaasahang sisimulan ang aktuwal na konstruksyon ng bagong gusali kasunod ng groundbreaking ceremony, at target na matapos ang proyekto sa loob ng isang taon, depende sa progreso ng konstruksyon.
Ang bagong gusali ay inaasahang magbibigay ng karagdagang espasyo para sa mga mag-aaral at makatutulong sa pagpapatupad ng mas maayos na sistema ng klase sa OCNHS. (Ulat at larawang kuha ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)




Leave a comment