OLONGAPO CITY — Nagpahayag na din ng kanilang opinyon ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Olongapo sa ₱2.4-milyong water fountain at landscaping project sa harap ng City Hall, kasunod ng pagkuwestiyon dito ni Vice Mayor Kaye Legaspi.
Sa magkakahiwalay na pahayag sa Facebook, iginiit nina City Councilors Eyrma Yvette “Tet” Marzan, Vicente “Vic-Vic” Magsaysay II at Angelito “Gie” Baloy na hindi sila sumang-ayon sa pag-apruba ng supplemental budget na naglaan ng pondo para sa nasabing proyekto.
Ayon kay Marzan, mas dapat umanong unahin ng pamahalaang lungsod ang mga pangunahing serbisyo, partikular ang pagpapabuti ng pasilidad at pagbili ng mga kagamitang medikal para sa James L. Gordon Memorial Hospital, sa halip na gumastos para sa fountain.

Kinuwestiyon din niya ang naiulat na ₱250-milyong savings ng lungsod, na aniya ay dapat masusing suriin kung saan nagmula at kung bakit hindi nagamit para sa mga kinakailangang proyekto.
Binanggit din ni Marzan ang kakulangan umano ng konsultasyon sa mga konsehal hinggil sa mga prayoridad na dapat pondohan sa supplemental budget.
Samantala, nilinaw ni Magsaysay na bagama’t dumaan sa deliberasyon ng konseho ang panukalang supplemental budget, hindi siya bumoto pabor sa pag-apruba nito dahil kabilang sa mga probisyon ang paglalaan ng ₱2.4 milyon para sa water fountain.

Sinabi rin niyang may iba pang konsehal na hindi sumang-ayon sa panukala, habang mayroon namang bumoto pabor dito.
Kinilala naman ni Baloy na naaprubahan ang supplemental budget sa pamamagitan ng mayoryang boto, ngunit iginiit na hindi lahat ng konsehal ay sumuporta rito.
Ipinaliwanag niyang bagama’t maaaring bumaba sa pagiging presiding officer ang vice mayor upang makilahok sa debate, mananaig pa rin ang pasya ng nakararami sa pagbobotohan.
Batay sa mga datos na nakalap mula sa Sangguniang Panlungsod, kabilang din sa mga bumoto laban sa supplemental budget sina Councilors Priscilla B. Ponge at Yzyra Marie E. Hernandez, pangulo ng City Federation of Sangguniang Kabataan.
Nauna nang kinuwestiyon ni Legaspi ang paggastos ng halos ₱2.4 milyon para sa fountain at landscaping project, at hinimok ang lokal na pamahalaan na unahin ang mga programang may direktang pakinabang sa mga residente.(Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a Reply