MANILA — Nagpahayag ng matinding panghihinayang ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa napipintong pagsasara ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), kasabay ng paggalang sa desisyon nitong itigil ang operasyon dahil sa mahirap na kalagayan sa pagpopondo.

Sa pahayag ng NUJP National Directorate noong Setyembre 18, kinilala nito ang mahalagang papel ng CMFR sa Philippine journalism mula nang itatag ito noong 1989.

Ayon sa statement ng NUJP, naging mahalagang bahagi ang CMFR sa pagsusuri sa trabaho ng media, habang kasabay nitong ipinagtatanggol ang karapatan ng mga mamamahayag at karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan.

“The loss of a watchdog that watches over the watchdogs is a profound blow to Philippine journalism,” ayon sa NUJP, na nagsabing mag-iiwan ang pagsasara ng malaking puwang sa industriya na nangangailangan ng pananagutan at pagsusuri.

Binigyang-diin din ng grupo na mahalaga ang independiyenteng tinig ng CMFR lalo na sa panahong patuloy na humaharap ang media sa iba’t ibang pressure mula sa magkakaibang interes.

Nagpasalamat ang NUJP sa mga kawani, liderato at mga tagasuporta ng CMFR sa halos apat na dekada nitong paglilingkod sa pamamahayag.

Ayon sa unyon, kabilang ang CMFR sa mga pangunahing institusyon sa bansa na nagsulong ng press freedom, responsableng pamamahayag at kahusayan sa journalism.

Bagama’t magtatapos ang operasyon ng CMFR, sinabi ng NUJP na mananatili ang pamana nito sa mga mamamahayag, organisasyon ng media at institusyong napalakas at nahubog ng kanilang mga programa at adbokasiya.

Inihayag ng CMFR na epektibo sa Setyembre 30, 2026 ang pagsasara ng operasyon nito matapos ang 37 taon ng media development work. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending