OLONGAPO CITY — Isinagawa nitong Biyernes, Setyembre 11, ang Work Immersion Fair 2026 sa SMX SM Central Olongapo City upang palawakin at patatagin ang pagsasanay ng mga mag-aaral sa Senior High School (SHS) sa pamamagitan ng mas malakas na ugnayan sa industriya.

May temang “Bridging Aspiration and Opportunity: Strengthening Industry-School Partnership,” dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd) Region 3 school districts, DepEd Central Office, Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at pamahalaang lungsod ng Olongapo.

Malaki ang naging papel ng SBMA Labor Department sa pagpapatupad ng Work Immersion Program sa Subic Bay Freeport Zone. Noong 2017, pinangunahan nito ang public consultation at pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR) bago ito pormal na pagtibayin sa pamamagitan ng board resolution ng SBMA Board of Directors.

Isa sa mga unang pilot immersion program ay isinagawa sa SBMA noong Nobyembre 2017, kung saan nakipagtulungan ang New Cabalan Senior High School sa Zoobic Safari.

Kabilang sa mga industry partners na lumahok sa programa ang Ocean Adventure, Zoobic Safari, Subic Bay Travelers Hotel and Event Center, Grand Harbor Hotel, Sun Plaza, Idess IT at Sanyo Denki, kasama ang iba pang stakeholders na nagbibigay ng immersion opportunities sa mga mag-aaral.

Sa pamamagitan ng mga Subic Bay Freeport locators, nabuksan ang mga kumpanya sa mga mag-aaral bilang bahagi ng target na umabot sa 50,000 immersion slots para sa mga School District Office sa mga lalawigan ng Region 3.

Ngayong taon, pinagtibay din ang pagpapalawig ng immersion period sa 320 oras mula sa 80 oras na itinakda noong 2025.

Layunin ng mas mahabang immersion period na mabigyan ang mga mag-aaral ng mas malawak na aktuwal na karanasan sa lugar ng trabaho bago sila magpatuloy sa kolehiyo o pumasok sa employment.

Patuloy ding dumarami ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nagsasagawa ng work immersion sa mga locator company sa Subic Bay Freeport.

Ayon sa mga organizer, ang lawak ng industriya sa Subic Bay ay nagbibigay ng mga oportunidad na angkop sa iba’t ibang academic at technical-vocational-livelihood strands ng Senior High School, na makatutulong sa paghahanda ng mga mag-aaral para sa kanilang pag-aaral at trabaho sa hinaharap. (Ulat at mga kuhang larawan ni Augusto Jorge Lacasad Jr. para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending