SAN NARCISO, Zambales — Nagsagawa ang Charlie Company ng 69th Infantry (COUGAR) Battalion (69IB), 7th Infantry Division, Philippine Army, ng dalawang araw na Youth Leadership Summit (YLS) na nilahukan ng 60 kabataan mula sa komunidad noong Setyembre 5 at 6.
Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan sa Local Government Unit (LGU) ng San Narciso, Municipal Local Youth Development Office (LYDO), mga paaralan, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang partner agencies.
May temang “My Nation, My Responsibility: Leading with Passion and Purpose,” layunin ng summit na mahubog ang mga kabataan bilang responsable, disiplinado at aktibong lider sa kanilang paaralan at komunidad.
Pinangunahan ang aktibidad ni 1st Lt. Ramon Rico O. Fantonalgo, commanding officer ng Charlie Company, sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Mark Anthony B. Ruelos, commanding officer ng 69IB.



Kabilang sa mga learning session ang mga paksa tungkol sa pamumuno, pananagutan, pakikipagtulungan, kaligtasan at paglilingkod sa bayan.
Nagbahagi rin ng kaalaman at praktikal na gabay ang PNP at BFP-San Narciso bilang bahagi ng programa.
Sinabi ng mga organizer na layunin ng pagtutulungan ng mga ahensya at paaralan na mapaigting ang youth development at mahikayat ang mga kabataan na maging aktibong katuwang sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad at bansa. (PR)




Leave a comment