Sa tuwing sasapit ang tag-ulan, iisa lang ang tanong ng bawat Pilipino, “Saan kaya tayo babaha ngayon?” Paulit-ulit nating naririnig ang mga pangako ng mga proyekto: mga dike, pumping stations, at kanal. Pero kung ako ang tatanungin, kahit siguro kumpleto na ang flood control infrastructure natin sa Pilipinas, wala pa ring silbi ang mga ito pagdating sa lakas ng buhos ng ulan.
Bakit ko nasabi? Una, hindi na normal ang pag-ulan ngayon. Dahil sa climate change, ang dating isang buwang ulan, bumabagsak na lamang sa loob ng 24 oras.
Ang mga drainage system natin ay dinisenyo batay sa makalumang data ng panahon. Kapag bumuhos ang tubig na parang balde ang ibinabagsak mula sa langit, kahit gaano pa kalaki ang kanal, mapupuno at mapupuno iyan.
Ang tubig ay laging hahanap ng daan at kapag nalampasan na nito ang kapasidad ng mga dike at kanal, tiyak na aapaw ito sa mga kalsada at tahanan.
Pangalawa, heograpiya ang kalaban natin. Ang Pilipinas ay isang archipelago na napapalibutan ng karagatan.
Tuwing may malakas na ulan, kasabay nito ang pagtaas ng tubig (high tide).
Sa Metro Manila at iba pang low-lying areas, saan pupunta ang tubig kung ang ilog ay puno na at ang dagat ay ayaw namang tumanggap ng dagdag na tubig?
Walang concrete wall ang makakalaban sa sabay na pwersa ng ulan at pag-alon ng karagatan. Babalik at babalik ang tubig sa mga lansangan.
Pangatlo, huwag nating kalimutan ang ugat ng problema. Kahit kumpleto ang imprastraktura, wala ring mangyayari kung ang mga tao mismo ay nagtatapon ng basura sa mga kanal at ilog.
Isa pa rito ay ang catchment area sa kabundukan na nasira dahil sa illegal logging at kagubatan na pinalitan ng mga subdivision. Ang lupa mismo ang natural na “sponge” ng tubig, kapag sementado na ang lahat at wala nang punong sumisipsip, diretso agad ang daloy ng tubig sa mga pump station, na agad namang bumabara.
Hindi ko sinasabing walang silbi ang flood control. Nakatutulong ito sa normal na ulan.
Ngunit ang kinakaharap natin ngayon ay extreme weather events na. Para sa akin, ang pag-asa lamang sa puro semento ay isang maling paniniwala.
Mas matalinong matutong makisama sa tubig sa pamamagitan ng disiplina sa basura, reforestation, at lalong-lalo na, ang pagkilala na may mga lugar na dapat nating iwanan at ibalik na sa kalikasan.
Hangga’t hindi natin tinatanggap na mas malakas ang Diyos at ang puwersa ng kalikasan kaysa sa anumang makina, patuloy tayong mababahala sa tuwing uulan. Hindi na solusyon ang mas mataas na pader; ang kailangan ay mas malawak na pag-unawa sa limitasyon ng ating mga kamay.
Isa na rin dito ay ang isang pinaka epektibong paraan, ito ay ang βRiver Restorationβ o pagsasagawa ng βDredgingβ sa malalaking ilog para sa pagpapalalim ng mga ka-ilogan at pagpapa luwag ng mga river mouth dahil sa mga bara nang sa ganon ay payapa ang agos ng ilog mula sa itaas pababa sa karagatan, hindi yung kalat sa mga residential Area, kabukiran at mga kalsada.





Leave a comment