OLONGAPO CITY — Isinagawa nitong Setyembre 23, 2026 sa Barangay Barretto Covered Court ang Anti-Scam Awareness Program para sa mga senior citizens, bilang hakbang upang mapalakas ang kanilang kaalaman at proteksyon laban sa iba’t ibang uri ng panloloko.
Pinangunahan ng Lokal na Pamahalaan ng Olongapo sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Atty. Rolen Paulino Jr. ang programa, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at Olongapo City Police Office (OCPO).
Tinalakay sa programa ang mga karaniwang scam na ginagamit sa pamamagitan ng text messages, Facebook at iba pang social media platforms, gayundin sa pamamagitan ng mga tawag sa telepono.
Layunin ng programa na mabigyan ang mga nakatatanda ng sapat na impormasyon upang makilala ang mga kahina-hinalang mensahe, tawag at transaksyon, at malaman ang mga nararapat na hakbang upang hindi maging biktima ng scammers.

Itinuturing na mahalagang sektor ang mga senior citizens sa naturang kampanya dahil kabilang sila sa mga grupong maaaring targetin ng mga manloloko.
Bilang pasasalamat sa kanilang paglahok, pinagkalooban din ng grocery packs ang mga senior citizen na dumalo sa programa.
Nakibahagi rin sa aktibidad ang City Information and Communications Technology Office, Office for Senior Citizens Affairs, Olongapo City Special Programs and Services Office, Public Affairs Office, City Social Welfare and Development Office, Philippine Statistics Authority, Local Civil Registry, at PhilHealth Indigent Unit.
Sa pamamagitan ng patuloy na information campaign, layunin ng lokal na pamahalaan na higit pang mapalawak ang kamalayan ng publiko at maiwasan ang pagdami ng mga nabibiktima ng online at iba pang uri ng scam. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)




Leave a comment