SUBIC BAY FREEPORT– Inaanyayahan ang mga local visual artist, creative entrepreneur, artisan, at craft maker mula sa Zambales at Olongapo na lumahok sa “SALIN-SINING: Where Heritage Connects,” isang cultural at arts event ng I-Pilipino.
Ang nasabing programa ay ayon sa paanyaya ng pamunuan ng Ayala Malls Harbor Point para sa selebrasyon ng Buwan ng Wika ngayong Agosto at paglikha na may temang “Ating Tagpuan: Celebrating our heritage makes all the difference.”
Isasagawa ito sa dalawang batch: Agosto 16–23, 2026 ang una, at sa Agosto 24–31, 2026 naman, katuwang ang DTI-Zambales para sa ikalawang batch.

Layunin ng SALIN-SINING na bigyang espasyo ang mga lokal na alagad ng sining at kultura upang maibahagi ang kanilang mga likha at maipakita ang ugnayan ng tradisyong Pilipino at makabagong sining sa mas malawak na audience.
Para sa bawat batch, nakalaan ang mga slot para sa 20 visual arts exhibitors, 4 performing arts exhibitors, 5 artisan crafts tables, 5 art activity tables, at 5 tables para sa non-theme artwork sales at commission.
Ang mga visual art entry ay kailangang may sukat na mula 3×3 pulgada hanggang 1×1 talampakan at dapat may kaugnayan sa tema ng programa.
Para naman sa mga performing arts exhibitors, maaaring magtanghal ng orihinal na awitin, OPM covers, cultural dances, o theatrical performances.
Mayroon ding nakalaang 3×3-foot table spaces para sa mga artisan craft, art activity, at artwork sales at commission.
Ayon sa organizers, maaaring magkaroon ng kaukulang bayarin para sa paglahok. Ang mga interesadong lumahok ay maaaring mag-message sa I-Pilipino para sa registration at magsumite ng kanilang creative concept o portfolio kasama ang entry details.
Bukas ang aplikasyon hanggang Agosto 8, 2026, habang ang confirmation ng slot ay isasagawa matapos makumpleto ang kinakailangang proseso at bayad. Sa pamamagitan ng SALIN-SINING, layunin ng mga organizer na higit pang mapalakas ang pagpapahalaga sa kulturang Pilipino at makalikha ng makabuluhang ugnayan sa pamamagitan ng sining.
“Dahil sa Ating Tagpuan, Pag-uugnay ang nagbibigay ng halaga.” (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)




Leave a comment