NI: MITCH C. SANTOS

Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat at suporta si Immediate Past District Governor (IPDG)  Lion Tess Pronto sa mga organizer, volunteer, advocate at iba pang naging bahagi ng programang “Ang Kulay ng Dangal at Pag-ibig,” na nakatuon sa pagsusulong ng dignidad, karapatan at kapakanan ng mga Persons with Disabilities (PWDs).

Bagama’t hindi siya personal na nakadalo sa naturang programa, sinabi ni Pronto na nananatiling kasama ng mga kalahok ang kanyang puso at paninindigan para sa pagtataguyod ng isang lipunang inklusibo at walang naiiwan.

Ipinahayag din ni Pronto ang kanyang paghanga sa mga taong nagsikap na makapanayam at makapagbigay sa kanya ng pagkilala, na aniya ay isang bagay na kanyang lubos na ipinagpapasalamat at ikinabababa ng loob.

Bilang isang Lion at District Governor, binigyang-diin ni Pronto na ang tunay na liderato ay hindi lamang nasusukat sa pisikal na presensya kundi sa malasakit, pagkilos at patuloy na paglilingkod sa kapwa.

Ayon sa kanya, nagsisimula ang isang inklusibong lipunan sa pagtanggap sa bawat indibidwal nang may pagmamahal, respeto at pantay na pagkakataon.

Pinuri rin niya sina Inding-Indie Films Director at CEO Dir. Ryan Manuel Favis at multidisciplinary artist at director Ron Sapinoso dahil sa kanilang pagsisikap na gamitin ang sining at pagkakaisa upang maabot ang mas maraming buhay at makapagbigay ng pag-asa.

“Kapag tayo ay nagkakaisa para sa isang adhikain, mas marami tayong buhay na naaabot at nabibigyan ng pag-asa,” pahayag ni Pronto.

Muli ring ipinahayag ng Immediate Past District Governor (IPDG)   ang kanyang pasasalamat sa tiwala at pagkilalang ipinakita sa kanya, habang nanawagan na ipagpatuloy ang diwa ng “We Serve” sa pagsusulong ng isang lipunang walang naiiwan at kung saan ang bawat boses ay naririnig.

Binigyang-diin niya na ang pagtataguyod sa karapatan at kapakanan ng mga PWD ay hindi lamang isang programa kundi isang patuloy na paninindigan para sa dignidad, pagkakapantay-pantay at tunay na inklusyon.

“All glory and honor belong to God,” ani Pronto.

Leave a comment

Trending