SUBIC BAY FREEPORT– Opisyal nang inilunsad ng HD Hyundai Heavy Industries Philippines ang Orion Jade (J0001), ang kauna-unahang barkong natapos at ginawa ng kumpanya sa kanilang shipyard sa Agila Southern Yard, Subic Bay Freeport Zone, nitong Martes.

Ang Orion Jade ay isang 115,000-toneladang crude at oil products tanker na may habang 250 metro, lapad na 42.4 metro, at lalim na 22 metro. Ito ang una sa apat na barkong inorder ng isang shipping company na nakabase sa Asya.

Dinaluhan ang makasaysayang seremonya nina Finance Secretary Frederick D. Go, Korean Ambassador Sang-hwa Lee, HD Hyundai Heavy Industries Philippines President Im Dae Jun, Olongapo City Mayor Rolen C. Paulino Jr., Botolan Mayor Jun Omar C. Ebdane, SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño, kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan at mga kinatawan ng industriya.

Ang paglulunsad ng Orion Jade ay isang mahalagang yugto sa muling pagbuhay ng malakihang paggawa ng barko sa dating Hanjin shipyard, na tumigil sa operasyon noong 2019. Sa pagbubukas ng HD Hyundai Heavy Industries Philippines, muling nabigyan ng sigla ang isa sa pinakamalalaking shipyard sa bansa at sa Asya.

Sa kasalukuyan, ang operasyon ng HD Hyundai sa Subic ay nakalikha na ng humigit-kumulang 4,000 trabaho para sa mga manggagawa mula sa Subic Bay at mga karatig-lalawigan. Inaasahan pang madaragdagan ang bilang ng mga empleyado pagsapit ng 2030, kasabay ng pagpapalawak ng produksyon ng kumpanya.

Bilang pagkilala sa sipag at dedikasyon ng mga manggagawang nagtulong-tulong sa pagbuo ng Orion Jade, namahagi ang HD Hyundai Heavy Industries Philippines ng tig-25-kilong sako ng bigas sa bawat empleyadong naging bahagi ng proyekto. Mahigit 5,000 sako ng bigas, na lulan ng dalawang truck, ang ipinamahagi bilang pasasalamat ng kumpanya sa kanilang mahalagang ambag sa matagumpay na pagtatayo ng kauna-unahang barko ng HD Hyundai Philippines.

Ang paglulunsad ng Orion Jade ay hindi lamang hudyat ng matagumpay na pagtatapos ng unang barkong ginawa ng HD Hyundai sa Pilipinas, kundi patunay rin ng muling pag-usbong ng industriya ng shipbuilding sa Subic Bay na inaasahang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho at magpapalakas sa ekonomiya ng rehiyon. (Ulat at mga larawan ni Marti Dumaguing para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending