Ang Pahayagan

SBMA AT OLONGAPO CITY LGU, NAKI-ISA SA NATIONWIDE SIMULTANEOUS EARTHQUAKE DRILL

Halos magkasabay na nagsagawa ng earthquake drill ang Olongapo City LGU at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan sa disaster preparedness at safety awareness ng publiko ngayon umaga ng Huwebes, Hunyo 18.

Sa Olongapo ay pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang aktibidad na nilahukan ng mga kawani ng pamahalaan, mga emergency responders, at mga miyembro ng komunidad.

Sa Subic Bay Freeport naman ay inorganisa ng SBMA Fire Department na nilahukan ng mga kawani nito kung saan maging si SBMA Chairman Eduardo Jose L. Aliño ay kasama sa mga lumabas sa kanyang opisina sa Building 229 sa Waterfront Road.

 Layunin ng drill na masanay ang mga kalahok sa “duck, cover, and hold” procedure at mabilis na evacuation sakaling tumama ang isang malakas na lindol.

Ayon sa maikling mensahe ni SBMA Fire Chief Ranny Magno, mahalaga ang regular na pagsasanay upang matiyak ang kahandaan ng lahat sa anumang darating na sakuna, lalo na sa mga paglindol kung saan ang Pilipinas ay nabibilang sa mga bansa na napakaraming mga fault lines.

Sa lungsod naman ng Olongapo, nagbigay rin ng paalala ang CDRRMO sa publiko na palaging maging alerto, alamin ang mga evacuation routes, at ihanda ang emergency kits sa kani-kanilang mga tahanan at opisina.

Sa naturang mga evacuation drill ay kapwa walang naiulat na aberya at maayos na natapos sa ilalim ng supervision ng mga awtoridad. (Larawan at mga ulat mula sa Ang Pahayagan Reportorial Team)

Leave a comment