CLARK FREEPORT– Nasabat ng Bureau of Customs (BOC)–Port of Clark, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang dalawang shipment na naglalaman ng kabuuang 19.89 kilo ng ketamine na nagkakahalaga ng ₱99.445 milyon. Bahagi ito ng pinaigting na pagbabantay ng pamahalaan laban sa pagpasok ng ilegal na droga ngayong papalapit ang holiday season.
Batay sa impormasyong natanggap mula sa PDEA Airport Interdiction Unit, isinailalim sa pisikal na pagsusuri ang dalawang shipment. Ang unang kargamento, na nagmula sa Switzerland at may timbang na 9,882 gramo, ay idineklarang naglalaman ng roasted coffee beans, coffee machine, at mga kagamitan sa paghahanda ng kape. Nakalaan ito para sa Mandaluyong City.
Samantala, ang ikalawang shipment, na nagmula sa Amsterdam at may timbang na 10,007 gramo, ay idineklarang sodium bicarbonate cleaning powder at nakatakdang ipadala sa Montalban, Rizal.


Nasabat ang dalawang kargamento noong Oktubre 22, 2026 matapos matuklasan sa isinagawang pagsusuri ang mga substansiyang hinihinalang ilegal na droga. Kinumpirma rin ng pagsusuri sa laboratoryo ng PDEA na positibo sa ketamine ang mga nakuhang substansiya. Ang ketamine ay isang mapanganib na droga na saklaw ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended.
Binigyang-diin ni District Collector Jairus S. Reyes ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay dahil sa inaasahang pagdami ng mga parcel na darating sa bansa ngayong holiday season.
“Inaasahan nating dadami ang mga parcel na darating sa pamamagitan ng air express carriers. Kaya mas paiigtingin natin ang pagsusuri sa mga dokumento at pisikal na inspeksyon, gayundin ang pagtiyak na maayos at gumagana ang ating mga X-ray machine,” pahayag ni District Collector Reyes.
Samantala, tiniyak ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patuloy na ipatutupad ng Bureau ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga.
“Habang inaasahan nating dadami ang mga shipment ngayong holiday season, mas hihigpitan din natin ang ating pagbabantay. Patuloy nating palalakasin ang pagsusuri at mga operasyon upang matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang mga ilegal na droga,” ani Commissioner Nepomuceno.
Patuloy na paiigtingin ng BOC ang mga operasyong nakabatay sa intelligence information at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya upang mapigilan ang pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa.
📸 Bureau of Customs-Port of Clark




Leave a Reply