SUBIC– Naghain si Konsehala Sherill “She” Gutierrez ng isang resolusyon na naglalayong ihanda ang bayan ng Subic sa posibleng epekto ng Super El Niño sa kanyang munisipalidad.
Sa panukala, isinusulong ang pagbuo ng Subic El Niño Task Force na magsisilbing pangunahing grupo sa pagbuo at pagpapatupad ng mga hakbang para matugunan ang mga hamon na dulot ng matinding tagtuyot.
Ayon kay Gutierrez, tututok ang task force sa tatlong pangunahing larangan: water security, food security, at health security, upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig at pagkain, gayundin ang pangangalaga sa kalusugan ng mga residente.
Layunin din ng resolusyon na mabigyan ng suporta ang mga magsasaka, mangingisda, pamilya, at iba pang komunidad na maaaring maapektuhan ng matinding init at kakulangan sa tubig.
Iginiit ni Gutierrez na mahalaga ang maagap na paghahanda upang mabawasan ang epekto ng Super El Niño at maprotektahan ang kabuhayan at kapakanan ng mga mamamayan ng Subic. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni MITCH C. SANTOS)


Leave a comment