SUBIC BAY FREEPORT — Tinalakay ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang mga programang YAKAP at GAMOT sa Talakayan sa Freeport, isang media forum na inorganisa ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), upang ipaliwanag sa publiko ang mga serbisyong pangkalusugan at benepisyong maaaring makuha ng mga kwalipikadong miyembro.
Pinangunahan ni Lenny D. Fajardo, chief social health insurance officer- LHIO Olongapo, ang talakayan kasama sina Monifer Bansil, PRO III, at Alfie De Vera, administrative aide IV, na kapwa kinatawan ng PhilHealth.
Ipinaliwanag sa forum ang YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program, na naglalayong palakasin ang pangunahing serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng konsultasyon sa doktor, mga kinakailangang pagsusuri, at mga serbisyong pang-iwas sa sakit para sa mga kwalipikadong miyembro.
Tinalakay rin ang GAMOT o Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment, isang programa na nagbibigay ng benepisyo para sa mga kinakailangang gamot na ginagamit sa paggamot na hindi nangangailangan ng pagpapaospital, alinsunod sa mga itinakdang kondisyon at saklaw nito.


Layunin ng oryentasyon na ipaliwanag ang mga proseso sa pagkuha ng mga benepisyo at hikayatin ang mga miyembro na gamitin ang mga serbisyong pangkalusugan na saklaw ng PhilHealth upang makatulong na mabawasan ang kanilang sariling gastusin sa pagpapakonsulta at pagbili ng mga kinakailangang gamot.
Gayunman, nakabatay sa mga alituntunin ng PhilHealth ang aktuwal na mga benepisyo, halaga ng saklaw at mga kwalipikasyon ng mga miyembro.
Sinundan ang talakayan ng question-and-answer portion kung saan nakapagtanong ang mga mamamahayag sa mga kinatawan ng PhilHealth at kay Dr. Arlene Cesa, OIC Medical Division, Public Health and Safety Department ng SBMA. (Ulat ni Mitch C. Santos)
📸 Jun M. Dumaguing




Leave a Reply