OLONGAPO CITY — Itinampok ang mga tradisyonal na putahe at kulturang katutubo sa isinagawang “Cuisine for a Cause” noong Huwebes, Oktubre 29, sa Marikit Park Covered Court sa Olongapo City bilang bahagi ng paggunita sa ika-29 na National Indigenous Peoples Month at anibersaryo ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA).

Layunin ng aktibidad na ipakilala at mapahalagahan ang kultura, tradisyon at pamana ng mga katutubong pamayanan, gayundin ang kanilang ambag sa lipunang Pilipino.

Nakiisa sa aktibidad ang City Agriculture Office bilang katuwang ng lokal na pamahalaan sa mga programang nagtataguyod ng pagpapahalaga sa kulturang katutubo at pagsuporta sa kanilang mga pamayanan.

Nagbigay rin ng suporta ang Aboitiz Renewables Corp. sa pamamagitan ng pamamahagi ng bigas sa mga katutubo.

Binigyang-diin din ng aktibidad ang papel ng mga katutubong pamayanan sa pangangalaga ng kalikasan, pagpapanatili ng katutubong kaalaman at pagsusulong ng inklusibong kaunlaran.

Sa ilalim ng Republic Act No. 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997, kinikilala at pinoprotektahan ang mga karapatan ng mga Indigenous Cultural Communities at Indigenous Peoples (ICCs/IPs), kabilang ang kanilang mga karapatan sa lupang ninuno, pagpapanatili ng sariling kultura at makabuluhang pakikilahok sa mga usaping nakaaapekto sa kanilang mga pamayanan. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)

Leave a Reply

Trending