LIMAY, Bataan — Nagmartsa ang mga katutubong Aeta mula sa tribong Magbukon sa Barangay Kinaragan, Limay, Bataan, noong Oktubre 29 upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa umano’y mining exploration sa kanilang lupang ninuno.

Layunin ng protesta na ipakita ang pagkakaisa ng mga katutubo at iba pang komunidad laban sa isinasagawang eksplorasyon ng mineral ng Balanga-Bataan Minerals Corporation at Benguet Mining Corporation sa ilalim ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) No. 154-2000.

Saklaw anila ng kasunduan ang 1,410 ektarya ng lupa sa mga bayan ng Limay, Bagac at Mariveles. Sumailalim ito sa renewal noong Setyembre 2025 at may bisa na hanggang 25 taon, ayon sa impormasyong ibinigay ng mga nag-organisa.

Bukod sa mga katutubong Aeta, lumahok din sa martsa ang mga residente mula sa Limay, Mariveles, Orion at Bagac.

Nagpahayag din ng suporta sa protesta ang mga kasapi ng iba’t ibang civil society organizations (CSO), kabilang ang Nuclear-Free Bataan Movement, YoungBEAN, Samahan ng Malamanggagawang Kababaihan ng Lamao (SMKL-KaBaRo), PANGISDA, 3P3C, PDI at Limay Concerned Citizens Inc. (LICCI).

Nakiisa rin sa aktibidad ang mga Indigenous Peoples Mandatory Representatives (IPMR) ng mga bayan ng Bagac at Mariveles, gayundin sina Limay Mayor Richie David at Vice Mayor Grace David.

Bahagi ang martsa ng paggunita sa Buwan ng mga Katutubo tuwing Oktubre, na naglalayong bigyang-pansin ang mga usapin at karapatan ng mga katutubong pamayanan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

Leave a Reply

Trending