Ang Pahayagan

DALAWANG BABAE TIMBOG SA BUY-BUST; P34K SHABU NASAMSAM

OLONGAPO CITY— Arestado ang dalawang kababaihan sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay West Bajac-bajac, Olongapo City, madaling-araw ng Hunyo 16.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na Arlene, 42, at Celeste, 44, kapwa walang trabaho at residente ng Arthur Street sa nasabing barangay. Nakalista rin umano ang dalawa sa drug watchlist ng pulisya.

Bandang alas-3:55 ng madaling-araw nang magsagawa ng anti-illegal drugs operation ang City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) kasama ang PS1 Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng isang Target Intelligence Packet.

Sa operasyon, nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na limang gramo at halagang nasa P34,000 batay sa standard drug price. Nabawi rin ang isang P500 buy-bust money.

Dinala ang mga naarestong suspek at ang mga nakuhang ebidensya sa tanggapan ng CPDEU para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni Mitch C. Santos)

Leave a comment