Ang Pahayagan

MGA RESIDENTE NG LUMINA HOMES SUBIC, NAGPAHAYAG NG MATINDING PAG-AALALA SA PATULOY NA KAKULANGAN NG TUBIG

NI:MITCH C. SANTOS

SUBIC, Zambales– Nagpahayag ng pagkabahala ang mga residente ng Lumina Homes Subic hinggil sa anila patuloy na aberya sa suplay ng tubig, matapos makaranas ng tatlong magkakasunod na araw ng napakababang water pressure sa kabila ng mga naunang pag-uusap sa mga kinauukulang ahensya at kinatawan ng proyekto.

Sa isang pormal na liham na ipinadala kay Lumina Homes Subic Project Head Engr. Lorelei Surco, sinabi ng mga residente na labis na sila ay nadismaya dahil wala umanong makitang konkretong pag-unlad sa kabila ng mga naunang pangako ng Prime Water Subic at mga kinatawan nito.

Ayon sa mga residente, lalong lumala ang sitwasyon sa gitna ng umiiral na municipal state of water emergency, kung saan maraming kabahayan ang nahihirapang tugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa tubig at umaasa na lamang sa rasyon ng lokal na pamahalaan..

Sa naturang liham, binigyang-diin din na ang mga pangakong proyekto—partikular ang pagbabarena ng deep wells na layong mapatatag ang suplay ng tubig—ay wala pa ring malinaw na progreso. Humiling din ang mga residente ng paliwanag sa mga naantalang proyekto at ng regular na update ukol dito.

Dagdag pa rito, hiniling ng mga residente ang agarang contingency plan upang matiyak na may sapat na suplay ng tubig ang bawat pamilya habang hinihintay ang pangmatagalang solusyon. Nanawagan din sila ng pagkakaroon ng direktang contact person na magbibigay ng araw-araw na update hanggang sa tuluyang maresolba ang problema.

Ipinadala ang kopya ng reklamo sa Prime Water Subic, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), opisina ni Congressman Jay Khonghun, at National Water Resources Board.

Giit ng mga residente, patuloy na perwisyo ang kakulangan sa tubig kaya’t hinihiling nila ang agarang aksyon, malinaw na paliwanag, at konkretong solusyon mula sa mga kinauukulang ahensya.

📸 LUMINA HOMES OWNERS ASSN.

Leave a comment