Ang Pahayagan

Bagong Pamunuan ng Prime Water Nangakong Tutugon sa Suliranin sa Suplay ng Tubig sa Subic

SUBIC, Zambales — Inihayag ng bagong pamunuan ng Prime Water Infrastructure Corp. ang kanilang plano na magsagawa ng malawakang rehabilitasyon at karagdagang pamumuhunan upang mapabuti ang serbisyo ng tubig sa bayan ng Subic.

Sa isang press conference nitong Martes, kinumpirma ng mga opisyal ng kumpanya na pormal nang nailipat sa bagong pamunuan ang operasyon ng Prime Water matapos itong mabili ng Crystal Bridges Holdings Corp. at Private Asset Ventures Inc. at makumpleto ang lahat ng kinakailangang pag-apruba para sa transaksyon.

Ayon sa bagong management, kabilang sa mga agarang hakbang ang pagpapalakas ng mga pinagkukunan ng tubig at pagsasaayos ng mga pasilidad na matagal nang nakararanas ng problema sa operasyon. Layunin nitong mabawasan ang mga insidente ng mahinang pressure at pagkawala ng suplay na matagal nang inirereklamo ng mga residente.

Isa sa mga nakatakdang proyekto ang pagtatayo ng tatlong deep-well facilities sa mga barangay ng Pamatawan, Naugsol, at Mangan-Vaca. Inaasahang makadaragdag ang mga ito sa kabuuang kapasidad ng suplay ng tubig, lalo na tuwing bumababa ang antas ng tubig sa mga kasalukuyang pinagkukunan.

Plano rin ng kumpanya na palitan ang mga lumang linya ng tubo sa ilang apektadong lugar, kabilang ang Barangay Calapandayan, upang mabawasan ang water loss at mapabuti ang distribusyon ng serbisyo sa mga kabahayan at negosyo.

Bukod dito, magdaragdag din ng standby pumps at iba pang kagamitan upang mas mabilis na matugunan ang anumang teknikal na aberya at maiwasan ang matagal na pagkaantala ng serbisyo.

Sinabi ni Engr. Lanie Quinto, operations head ng kumpanya, na nakatakdang simulan sa mga susunod na linggo ang unang yugto ng konstruksyon ng deep-well project sa Pamatawan. Target ng kumpanya na matapos ang lahat ng pangunahing proyekto bago matapos ang taong 2026.

Samantala, sinabi ng Subic Water District na positibo nilang tinatanggap ang mga nakaplanong proyekto ngunit mananatili silang mahigpit sa pagbabantay sa implementasyon ng mga ito upang matiyak na matutupad ang mga ipinangakong serbisyo sa publiko.

Nagpahayag din ng suporta sina Zambales 1st District Representative Jay Khonghun at Subic Mayor Jonathan Khonghun, ngunit iginiit nilang mahalagang makita agad ang konkretong resulta ng mga programa upang maibalik ang tiwala ng mga mamamayan.

Ayon sa bagong pamunuan ng Prime Water, pangunahing layunin nila ang pagbibigay ng mas maaasahan at mas matatag na serbisyo ng tubig para sa mga residente ng Subic habang unti-unting isinasakatuparan ang mga nakaplanong pagpapabuti sa sistema. /Marti Dumaguing

Leave a comment