Ang Pahayagan

Philippine Scops Owl, Iniligtas Matapos Bumagsak sa Kabahayan

Agarang inaksyunan ng DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)–North, sa pakikipagtulungan ng City Veterinary Services Office (CVSO), ang isang Philippine Scops Owl (Otus megalotis) na nai-turn over mula sa Barangay Paso De Blas, Valenzuela City.

Ayon sa ulat ng mga residente, natagpuan ang kuwago matapos itong bumagsak malapit sa isang kabahayan. Bilang pag-iingat, pansamantala itong inilagay sa ligtas na lugar habang hinihintay ang pagdating ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan. Agad namang isinagawa ang koordinasyon ng CVSO at MEO-North upang matukoy at ma-assess ang kondisyon ng ibon.

Sa paunang obserbasyon, hinihinalang bumangga ang kuwago sa salamin ng isang bahay habang lumilipad, isang karaniwang insidente sa mga urbanisadong lugar kung saan ang reflective glass at matitinding artificial lights ay maaaring makalito sa navigasyon ng mga ibon, lalo na sa gabi.

Matapos ang pagsusuri, dinala ang ibon sa Biodiversity Management Bureau – Wildlife Rescue Center para sa masusing obserbasyon, rehabilitasyon, at pansamantalang pangangalaga bago ito maibalik sa angkop nitong natural na tirahan.

Ipinapakita ng insidente ang patuloy na epekto ng urbanisasyon sa mga wildlife species, partikular sa mga ibong napapalapit sa mga mataong lugar. Dahil dito, hinihikayat ang publiko at mga may-ari ng gusali na magpatupad ng mga wildlife-friendly measures tulad ng paglalagay ng visual markers sa glass surfaces at pagbawas ng labis na ilaw sa gabi upang maiwasan ang bird collision incidents.

Muling pinaalalahanan ng DENR ang publiko na igalang at pangalagaan ang mga buhay-ilang sa pamamagitan ng pag-iwas sa pananakit, ilegal na pagkuha, o pag-aalaga ng wildlife nang walang pahintulot, alinsunod sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.

Leave a comment