SAN MARCELINO, Zambales — Kinilala ng Department of Agriculture (DA) ang isang magsasaka mula sa bayang ito bilang Top Yielder for Wet Season 2026 ng lalawigan ng Zambales sa ginanap na pagdiriwang ng National Rice Awareness Month (NRAM) sa Angeles City, Pampanga, noong Nob. 27.
Pinarangalan si Albert Apano dahil sa mataas na ani ng palay na kaniyang naitala sa panahon ng tag-ulan. Personal na tinanggap ni Apano ang pagkilala kasama si Municipal Agriculturist Remin Sardo.
Bilang bahagi ng pagkilala, pinagkalooban din siya ng isang shallow tube well (STW) na nagkakahalaga ng ₱94,800 upang makatulong sa pagpapalakas ng kaniyang operasyon sa pagsasaka.
Ayon kay San Marcelino Mayor Elvis Ragadio Soria, bunga ng sipag, tiyaga, dedikasyon at paggamit ng makabagong teknolohiya sa agrikultura ang tagumpay ni Apano.
Sinabi rin ng alkalde na inaasahang magsisilbing inspirasyon ang pagkilala kay Apano sa iba pang magsasaka upang patuloy na pagbutihin ang kanilang mga pamamaraan sa pagsasaka at mapataas ang produksyon ng palay.
Patuloy namang isinusulong ng lokal na pamahalaan ang mga programang naglalayong pataasin ang produksyon ng agrikultura, palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka at mapabuti ang kanilang kabuhayan.
📸 San Marcelino Public Information Office




Leave a Reply