SAN FERNANDO, Pampanga —Pitong distribution centers ng Coca-Cola Europacific Aboitiz Philippines (CCEAP) ang nagdeklara ng welga ng mga manggagawa nito na pumasok na sa ikaapat na araw nitong Linggo, Nob. 29, kasabay ng pagkondena ng mga organisasyon ng manggagawa sa umano’y panggigipit at paggamit ng dahas ng pulisya laban sa mga nagwewelga sa Pampanga.
Kabilang sa mga distribution center na apektado ng welga ang Antipolo City, Bagumbayan at Roosevelt sa Quezon City, Malolos at Meycauayan sa Bulacan, Paco sa Maynila at Parañaque City.
Sa Antipolo, nagsagawa ng martsa ang mga transport worker sa harap ng mga delivery truck na nakahandang lumabas sa Coca-Cola distribution center sa kahabaan ng Sumulong Highway, na naging dahilan ng pagkaantala ng paglabas ng mga sasakyang naghahatid ng mga produkto ng kumpanya.
Nagsimula ang welga dahil sa pagkabigo ng negosasyon sa collective bargaining agreement (CBA) ng mga manggagawa at pamunuan ng kumpanya.
Kabilang sa mga hinaing ng mga manggagawa ang mababang sahod, hindi nareresolbang wage distortion, mga usapin sa retirement benefits, hindi pantay na benepisyo sa iba’t ibang planta at banta ng kontraktuwalisasyon at outsourcing.
Ayon sa Liga ng mga Manggagawa ng Valenzuela City (LMVC), ang arawang sahod na P812 na binabanggit sa mga panawagan ng mga manggagawa ay nagpapakita ng pangangailangan para sa nakabubuhay na sahod at mga benepisyong naaayon sa kanilang paggawa.
Nanawagan din ang LMVC sa pamunuan ng Coca-Cola na pakinggan ang mga hinaing ng mga manggagawa at kilalanin ang kanilang unyon bilang lehitimong kinatawan sa negosasyon.
Samantala, kinondena ng Federation and Cooperation of Cola, Beverage and Allied Industry Unions (FCCU-SENTRO) ang umano’y panggigipit at paggamit ng dahas ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa mga miyembro ng San Fernando Coca-Cola Company Rank and File Union (SACORU-FCCU) sa San Fernando.
Sa pahayag ng FCCU-SENTRO, binanggit nito ang isang kumakalat na video na umano’y nagpapakita ng puwersahang paghadlang ng mga pulis sa welga ng mga manggagawa.
Iginiit ng grupo na dapat manatili ang mga pulis sa layong 50 metro mula sa lugar ng welga, alinsunod sa mga umiiral na probisyon ng batas, at tinawag na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ang anumang pagtatangkang buwagin ang kanilang mapayapang pagkilos.
Ayon sa FCCU-SENTRO, nagsasagawa rin ng welga ang mga manggagawa ng Coca-Cola sa Bulacan dahil sa hindi pagkakasundo sa CBA negotiations. Naghain na rin umano ng notice of strike ang mga unyon sa iba pang planta at distribution hub ng kumpanya sa bansa dahil sa mga usapin sa hindi pantay na pagtrato, pagkakaiba sa benepisyo at hindi sapat na sahod.
Nagpahayag naman ng pakikiisa ang LMVC sa mga nagwewelga at sinabing bahagi ng mas malawak na pakikibaka ng mga manggagawa ang kanilang panawagan para sa makatarungang sahod, seguridad sa trabaho, maayos na kondisyon sa paggawa at karapatang mag-organisa.
Nanawagan ang dalawang organisasyon sa pagkakaisa ng mga manggagawa sa iba’t ibang planta at pasilidad upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Hindi pa inilalabas ang kabuuang pagtataya sa epekto ng welga sa operasyon at distribusyon ng mga produkto ng Coca-Cola. Wala rin sa mga ibinigay na pahayag ang tugon ng pamunuan ng kumpanya at ng PNP sa mga alegasyon ng panggigipit at karahasan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)
📸 FCCU-SENTRO statement




Leave a Reply