Isang Philippine box turtle ang natagpuan sa gitna ng naipong basura sa Mayer Creek, Barangay Lingunan, Valenzuela City, na agad na narespondehan ni Estero Ranger Michael Lanozo ng Meycauayan River Cluster, sa ilalim ng DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)–North.
Ayon sa ulat, agad na inalis ni Lanozo ang hayop mula sa tambak ng basura at iniulat ang insidente, na nagbunsod ng mabilis na aksyon mula sa Compliance Monitoring and Enforcement Office ng MEO-North.
Sa paunang assessment, natukoy na may pinsala sa bao ng pagong at nakitaan din ito ng senyales ng kakulangan sa nutrisyon. May hinala ring ito ay dating ilegal na inaalagaan at posibleng nakawala o pinalaya sa hindi angkop na kapaligiran. Dahil dito, agad itong isinailalim sa masusing pagsusuri at pangangalaga ng Biodiversity Management Bureau upang matiyak ang tamang rehabilitasyon at eventual na pagbabalik sa angkop na freshwater habitat.

Ang Philippine box turtle ay isang endemic na uri ng freshwater turtle sa bansa na kamakailan ay kinilala bilang hiwalay na species mula sa Southeast Asian box turtle. Karaniwan itong matatagpuan sa mga ilog, latian, at palayan, ngunit dahil sa patuloy na pagkasira ng natural na tirahan, polusyon sa katubigan, at ilegal na panghuhuli, dumarami ang mga insidenteng naglalagay sa kanila sa panganib—kabilang ang pagkakasalubong sa mga basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig.
Ang insidente ay isinagawa alinsunod sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001, na naglalayong protektahan ang mga wildlife species laban sa ilegal na panghuhuli, pag-aalaga, at pangangalakal.
Binigyang-diin ng DENR-NCR ang kahalagahan ng agarang pag-uulat ng mga kahalintulad na insidente upang masiguro ang mabilis na aksyon at ang tamang paghawak sa mga wildlife species.
Patuloy din nitong hinihikayat ang publiko na makiisa sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng responsableng pamamahala ng basura at pagprotekta sa mga natural na tirahan, upang mapanatili ang balanse ng ekosistema at biodiversity sa bansa.
📸 DENR NCR


Leave a comment