Maglulunsad ng limang araw na panrehiyong pagkilos ang iba’t ibang sektor at progresibong organisasyon sa Gitnang Luzon mula Nobyembre 13 hanggang 17, 2026, bilang pagtutol sa inaasahang pagbisita sa Pilipinas ni US President Donald Trump, sa pagsusulong ng Pax Silica initiative, at sa umano’y lumalawak na interbensiyong militar at pang-ekonomiya ng Estados Unidos sa bansa.
Pinangungunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Gitnang Luson, isasagawa ang mobilisasyon sa pamamagitan ng SAKBAYAN at Kampuhan ng Mamamayan, na naglalayong ipahayag ang pagtutol ng mga kalahok sa mga patakarang militar, pang-ekonomiya at geopolitikal ng Estados Unidos.
Ayon sa grupo, kabilang sa pangunahing ikinababahala nito ang posibleng pagpirma at pagsusulong ng US-led Pax Silica initiative sa New Clark City sa Capas, Tarlac, na anila’y maaaring magpalawak sa kontrol ng mga dayuhang interes sa mahahalagang likas-yaman, lupa, enerhiya at imprastraktura ng bansa.
Giit ng BAYAN Gitnang Luson, hindi lamang usapin ng teknolohiya at kaunlaran ang Pax Silica dahil nakataya rin umano rito ang pambansang soberanya, kasarinlang pang-ekonomiya at karapatan ng mga komunidad.
Ipinahayag din ng grupo ang pangamba sa posibleng epekto ng malalaking proyektong pangkaunlaran sa mga katutubong Ayta, magsasaka, manggagawang bukid at iba pang residente na nanganganib mawalan ng lupang ninuno, sakahan, kabuhayan at tirahan dahil sa pagpapalit-gamit ng lupa at mga proyektong bahagi ng Luzon Economic Corridor.
Bilang bahagi ng mobilisasyon, tatahakin ng SAKBAYAN ang rutang Tarlac–Clark/Angeles City–Malolos City–UP Diliman sa Quezon City. Inaasahang lalahok dito ang mga manggagawa, kabataan, kababaihan, estudyante, propesyunal, tagapagtanggol ng kalikasan at mga komunidad na apektado ng mga proyektong kanilang tinututulan.
Nanawagan naman ang BAYAN Gitnang Luson sa mga progresibong organisasyon, kilusang masa, lokal na komunidad at iba pang mamamayan na suportahan at lumahok sa naturang pagkilos.
Ayon sa grupo, layunin ng mobilisasyon na ipagtanggol ang lupang ninuno, mga sakahan, likas-yaman at pambansang soberanya laban sa mga patakarang itinuturing nitong pumapabor sa dayuhang interes at malalaking korporasyon.
Bitbit ang mga panawagang “Trump Out,” “Reject Pax Silica” at “US Imperialism Out,” inaasahang magiging bahagi ang naturang pagkilos ng mas malawak na kampanya ng mga progresibong grupo laban sa umano’y pakikialam ng Estados Unidos sa Pilipinas. (Ulat ni Mitch C. Santos)




Leave a Reply