Ang Pahayagan

Mga mangingisda sa Dagupan, tutol sa komersyal na pangingisda sa municipal waters

DAGUPAN CITY, Pangasinan — Nagpahayag ng pagtutol ang mga maliliit na mangingisda sa Dagupan City sa naunang desisyon ng hukuman na nagpapahintulot sa komersyal na pangingisda sa loob ng 15-kilometrong municipal waters.

Sa isang konsultasyon nitong Mayo 11, inilahad ng mga mangingisda ang kanilang pangamba sa posibleng pagdami ng malalaking barkong pangisda sa kanilang tradisyunal na pangisdaan.

Ayon kay Ronnel Arambulo, vice chairperson ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), lalong maaapektuhan ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda dahil sa pagpasok ng malalaking negosyo sa municipal waters.

“Pilit pinag-iinteresan ng malalaking negosyo, kasabwat ang mga gumagawa ng batas, ang kakarampot na pangisdaan ng maliliit na mangingisda,” ani Arambulo.

Sinabi rin niya na nakababahala ang mga ulat tungkol sa pagdami ng malalaking bangkang pangisda sa municipal waters mula nang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito noong 2024.

Ayon sa PAMALAKAYA, bago pa man ang naturang desisyon, laganap na ang operasyon ng mga commercial fishing vessel, kabilang ang mga trawl at Danish seine o hulbot-hulbot, sa Lingayen Gulf na sumasaklaw sa mga lalawigan ng Pangasinan at La Union.

Binigyang-diin ni Arambulo na higit pang bababa ang kita ng maliliit na mangingisda dahil sa paglawak ng komersyal na pangingisda.

Aniya, kabilang din ang mga commercial fishing operation sa mga dahilan ng mabilis na pagkasira ng yamang-dagat dahil sa umano’y walang regulasyong operasyon at paggamit ng mapanirang kagamitan.

Plano ng PAMALAKAYA na makipagdayalogo sa tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Region I upang talakayin ang mga hinaing ng mga municipal fisherfolk sa lalawigan.

📸 Pamalakaya

Leave a comment