ZAMBALES — Ipinatigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng isang mining company sa lalawigang ito dahil sa paglabag sa umiiral na patakaran sa transparency sa pagmimina.
Naglabas ng cease-and-desist order (CDO) si Mines and Geosciences Bureau-Central Luzon (MGB-III) Director Noel B. Lacadin noong Lunes, Mayo 4, laban sa Fortuna Mining Corporation, na may aplikasyon para sa mining exploration sa Subic at mga karatig-bayan ng Castillejos at San Antonio.
Nauna rito ay kumalat at umani ng matinding reaksyon sa social media ang hinggil sa umano’y nagaganap na eksplorasyon at iligal na pagmimina sa kabundukan ng Cawag, Subic na tagos hanggang sa Balaybay sa bayan ng Castillejos sa Zambales.
Nabatid na ang naturang mining exploration ay pinangangasiwaan ng Fortuna Mining Corporation, na nakabase sa Maynila subalit walang kaugnayan sa isang kilalang Canadian mining firm na may kaparehong pangalan. May aplikasyon umano ito para sa exploration permit para sa limestone mining sa Barangay Cawag sa Subic; Pundakit sa San Antonio; at mga barangay ng Looc at Balaybay sa Castillejos.
Naghain ng aplikasyon ang kompanya sa MGB-III noong Pebrero 19 noong nakaraang taon, at inilathala ng ahensya ang abiso nito noong Enero 16 ngayong taon sa ilalim ng application number EXPA000278 III.
Batay sa inspeksiyong isinagawa ng MGB-III technical personnel, natuklasang nagsasagawa ng exploration ang kompanya nang hindi ganap na tumutupad sa mga kondisyon ng Exploration Permit No. EP-001-2026-III.

Ayon kay Lacadin, kabilang sa mga rekisito ng permit ang patunay ng konsultasyon at pag-endorso ng sangguniang lokal, gayundin ang sertipikasyon mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) bago magsagawa ng exploration.
Sinabi pa nito na walang naipakitang katibayan ang kompanya hinggil sa mga nasabing rekisito, na paglabag sa Section 21-A ng DENR Administrative Order (DAO) No. 2025-17 at sa mismong exploration permit.
Ang DAO 2025-17 ang naglatag ng implementing rules and regulations ng Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995, na naglalayong pasimplehin ang mga proseso sa aplikasyon ng exploration permit habang pinananatili ang proteksyon sa kalikasan at karapatan ng mga komunidad. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)
📸SUBIC PUBLIC INFORMATION OFFICE


Leave a comment