Malapit nang maging abot-kamay ang pribadong edukasyon para sa mahihirap na mag-aaral matapos ipasa ng Senado ang panukalang voucher program ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Lunes.
Pinaburan ng lahat ng 22 senador na nasa sesyon noong May 4, 2026 ang Senate Bill No. 1981, o ang proposed Basic Education Voucher Program Act.
Hango ang panukalang batas sa Senate Bill No. 422 ni Cayetano, o ang The Learner’s Choice (TLC) Act of 2025, na layong bigyang subsidiya ang mga kwalipikadong mag-aaral para makapasok sa alin mang DepEd-recognized private school sa pamamagitan ng isang voucher.
Prayoridad sa programa ang mga mag-aaral mula sa mga siksikan na pampublikong paaralan, lalo na ang mga mula sa mahihirap na pamilya.
Sakop din ng panukala ang mga “disadvantaged learners”, kabilang ang mga mag-aaral na may kapansanan, ulila, mga nasa liblib na lugar, mga Indigenous People, at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Cayetano, na dating co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), layon ng panukala na isulong ang karapatan ng bawat batang Pilipino sa de-kalidad na batayang edukasyon.
Makakatulong din aniya ito sa pagtugon sa matagal nang pasisiksikan sa mga pampublikong paaralan.
“The Constitution guarantees the right of every Filipino to accessible and quality education at all levels and mandates the State to take appropriate steps to make such education available to all,” aniya.
“I’d like to see the day na kapag pinanganak ka sa Pilipinas, regardless kung ano apelyido mo, kung mayaman ka o hindi, if you want to go to the best private school sa inyong province or city, you’ll have the opportunity to do that,” dagdag niya.
Inihain ni Cayetano ang TLC Act noong Hulyo 2025, na hinango niya sa voucher program ng Taguig City na pinuri ng EDCOM 2 at kinilala ng DepEd bilang model program.
In-adopt ng SB 1981 ang pangunahing ideya ng TLC Act na ang tulong ng gobyerno ay dapat nakabatay sa “choice” at pangangailangan ng mag-aaral.
Ibig sabihin, makakapili ang pamilya ng paaralan na pinakaangkop para sa kanilang anak, hindi tulad ng kasalukuyang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) program kung saan ang subsidiya ay idinadaan sa kalahok na paaralan at nakadepende sa bilang ng slots na mayroon.
Saklaw din ng panukala ang lahat ng antas ng batayang edukasyon, hindi gaya ng E-GASTPE na pili lang.
Isinama rin sa pinal na bersyon ng Senate bill ang mga parusang iminungkahi ni Cayetano laban sa pagkakaroon ng ghost learners, delays, at iba pang uri ng pandaraya.
Inaatasan din ng panukala ang DepEd na magkaroon ng public database ng mga kasaling private school at kanilang tuition fee, program offering, capacity, at key performance indicators.
Nakatakdang isalang sa bicameral conference committee ang bersyon ng Senado at ng Kamara bago ito isumite sa Pangulo para lagdaan bilang batas.(PR)


Leave a comment