Naglabas ng opisyal na pahayag si Olongapo City Vice Mayor Kaye Ann Legaspi kaugnay ng kumakalat na impormasyon tungkol sa kasong isinampa laban sa kanya hinggil sa umano’y hindi pagtugon sa itinakdang 15 araw na panahon para sa mga ahensya at opisina ng pamahalaan.
Nauna nang naglabasan sa social media ang mga ulat na nahaharap sa reklamo sa Office of the Ombudsman ang Bise Alkalde dahilan sa paglabag umano sa itinatakda ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, pati na rin sa kasong Grave Negligence at Grave Misconduct.
Ang naturang reklamo ay inihain umano ng isang Jessie Sibug Gonzales na pangulo ng Olongapo Federation of Persons with Disability (OF PWD) at Director ng Philippine Union of Rights for Persons with Disability Inc.
Napa-ulat din na iniutos umano ng Ombudsman na magsumite si Legaspi ng kanyang counter affidavit sa loob ng labinlimang (15) araw matapos ipalabas ang kautusan noong Abril 21, 2026.

Nag-ugat ang reklamo sa hindi umano pagtugon ng tanggapan ng Bise Alkalde sa isang proposed city ordinance na inihain ng OF PWD. Dahil dito, iginiit ng nagreklamo na posibleng nalabag ang Paragraphs 3 at 4 ng Section 31, Chapter 7 ng Magna Carta for Persons with Disability.
Sa kanyang mensahe, iginiit ng opisyal na iginagalang niya ang karapatan ng sinumang magsampa ng kaso bilang bahagi ng demokratikong proseso. Gayunman, nilinaw niya na sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na kopya ng naturang reklamo.
Ayon sa kanya, agad niya itong ipapahawak sa kanyang legal team sa oras na matanggap ang dokumento.
Binigyang-diin din ni Legaspi na hindi kailanman naging bahagi ng kanyang prinsipyo ang hindi pagtugon sa anumang sektor, lalo na sa Persons with Disabilities (PWDs).
Aniya, isa sa kanyang mga inisyatiba ang paglalagay ng sign language interpreter sa mga sesyon at live broadcast ng Sangguniang Panlungsod upang maging mas inklusibo ang serbisyo ng pamahalaan.
Ipinagmalaki rin niya ang mga programang inilunsad sa ilalim ng kanyang pamumuno, kabilang ang “Talakayan with Sanggunian” na layong mapalapit sa iba’t ibang sektor, at ang “SangguniAPP” na naglalayong palakasin ang transparency at accessibility ng impormasyon para sa mga mamamayan.
Samantala, patuloy rin umano ang pagpapatupad ng “Serbisyong Door-to-Door” na nagbibigay ng tulong medikal, edukasyonal, pinansyal at iba pa. Ayon sa opisyal, mahigit 2,353 indibidwal na ang kanilang natulungan mula nang siya ay maupo sa puwesto noong Hulyo 2025.
Sa kabila ng mga isyu, tiniyak ng opisyal ang kanyang paninindigan na maglingkod nang tapat at may malasakit sa bawat Olongapeño. Aniya, handa siyang harapin ang anumang hamon habang patuloy na ginagampanan ang kanyang tungkulin para sa lungsod. (Ulat para sa Ang Pahayagan / Mitch C. Santos)


Leave a comment