Ang Pahayagan

DTI Zambales, Iniulat ang mga Nagawa sa Unang Kuwarter ng 2026 Alinsabay sa Pagbubukas ng Zambales Summer Fair

SUBIC BAY FREEPORT — Ibinida ng Department of Trade and Industry (DTI) Zambales ang mga pangunahing nagawa nito para sa unang kuwarter ng 2026 kasabay ng pagbubukas ng Zambales Summer Fair nitong Lunes, Mayo 4 sa Harbor Point Ayala Malls.

Pinagsama-sama ng naturang aktibidad ang mga opisyal ng pamahalaan, pribadong sektor, at iba pang stakeholder upang isulong ang mga lokal na negosyo at palakasin ang ekonomiya ng Zambales at Lungsod ng Olongapo.

Sa presentasyon ng DTI Zambales, iniulat ang kanilang mga nagawa sa larangan ng consumer protection, fair trade enforcement, enterprise development, at digital innovation.

Ayon sa ahensya, nanatiling matatag ang presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin sa lalawigan sa kabila ng mga kaganapan sa Gitnang Silangan. Sa isinagawang monitoring anila sa 65 grocery at supermarket na sumasaklaw sa 234 na produkto, walang naitalang malaking pagtaas ng presyo at lahat ay sumusunod sa Suggested Retail Prices (SRP). Sa bilang na ito, 53 produkto ang mas mababa sa SRP habang 181 ang nasa itinakdang presyo.

Natiyak din ang sapat na suplay ng mga bilihin na tumatagal mula tatlo hanggang walong linggo, at walang naitalang hoarding o panic buying sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa pagpapatupad ng fair trade laws, 73 establisimyento ang sinuri ng DTI, kung saan isa lamang ang lumabag at agad na pinatawan ng Notice of Violation.

Samantala, 84 Service and Repair Enterprises (SREs) ang na-accredit upang matiyak ang kalidad ng serbisyo, habang 138 sales promotion permits ang pinroseso at minonitor upang maiwasan ang mapanlinlang na promosyon.

Nagsagawa rin ang ahensya ng 82 consumer awareness activities, kabilang ang mga seminar sa karapatan ng mamimili, pagpapatupad ng Project YACAP katuwang ang Department of Education, at mga capacity-building program.

Pinalakas din ang mga programang pangkalikasan sa pamamagitan ng CashCycled Project, na nagtataguyod ng tamang pamamahala ng basura at recycling sa mga paaralan sa apat na distrito sa Zambales.

Sa larangan naman ng digital transformation, inilunsad ang DIGITAL CARES Module na naglalayong turuan ang publiko, lalo na ang kabataan, hinggil sa responsableng pagkonsumo at kaligtasan sa online na transaksyon. Kasabay nito ang programang “Trade Talks” na ipinalalabas sa radyo at digital platforms.

Ilan pa sa mga inisyatiba ng DTI ang pagpapalawak ng serbisyo sa “Lab for All” event sa Subic Bay Exhibition and Convention Center, ang paglulunsad ng upgraded Shared Service Facility sa Polytechnic College of Botolan, at ang Project METRO na magpapahusay sa monitoring at enforcement gamit ang digital system.

Ayon kay DTI-Zambales Provincial Director Enrique Tacbad, patunay ang mga programang ito sa patuloy na pagsisikap ng ahensya na mapalakas ang MSMEs, maprotektahan ang mga mamimili, at maisulong ang inklusibo at napapanatiling pag-unlad ng ekonomiya sa lalawigan.

Samantala, pinangunahan nina Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Deputy Administrator for Business Group Atty. John Aquino, DTI-Zambales Provincial Head Enrique Tacbad, SBMA Ecology Center OIC Roselle Abuyo, Olongapo City Tourism Head Fifi Legazpi, at I-Pilipino CEO/Founder Monette Faltriguera Cruz ang ribbon-cutting ceremony bilang simbolo ng mas pinaigting na pagtutulungan para sa pagsuporta sa lokal na negosyo. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni Mitch C. Santos / Mga larawan ni Jun Dumaguing)

Leave a comment