Ang Pahayagan

AGARANG CPR NG BFP, NAGLIGTAS SA NALUNOD NA BATA

OLONGAPO CITY — Isang bata ang nailigtas matapos malunod sa ilog sa Olongapo City, kasunod ng mabilis na pagresponde at pagsasagawa ng CPR ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon sa ulat ng Olongapo City Fire Station, katatapos lamang anila ng responde sa insidente ng sunog at kasalukuyang nagliligpit ng kanilang kagamitan nang biglang may isang lalaking lumapit na karga ang bata na nawalan ng malay matapos malunod sa kalapit na ilog.

Agad namang kumilos si Fire Officer 1 (FO1) Efren G. Roxas Jr., isang rehistradong nurse, sa tulong ni FO1 Mervin M. Santos, at isinagawa ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa bata.

Dahil sa maagap at wastong aksyon ng mga bumbero, nagpakita ng senyales ng buhay ang bata. Kaagad itong ipinasa sa DRRMO ambulance at dinala sa pinakamalapit na ospital para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.

Pinamunuan ang Olongapo City Fire Station sa ilalim ni FSSUPT Santos C. Gawongna, Acting Regional Director ng BFP Region 3, sa superbisyon ni FSSUPT Jeannette D. Jusayán, Provincial Fire Marshal ng Zambales, at gabay ni FSUPT Josie G. Lising, Olongapo City Fire Marshal.

Ayon sa BFP, ang insidente ay patunay na ang mga bumbero ay handang tumugon hindi lamang sa sunog kundi sa anumang emerhensiya—anumang oras at saan mang lugar. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

📸  Olongapo City Fire Station

Leave a comment