Ang Pahayagan

MILITANTENG GRUPO, KINONDENA ANG BALIKATAN EXERCISE 2026 AT UGNAYANG MILITAR NG PILIPINAS AT ESTADOS UNIDOS

PAMPANGA– Mariing kinondena ng militanteng grupo ang isinasagawang Balikatan Exercises 2026, kasabay ng panawagan na itigil ang umano’y lumalawak na presensya ng militar ng Estados Unidos sa Pilipinas.

Ayon sa pahayag ng Bagong Alyansang  Makabayan o Bayan- Gitnang Luzon alinsabay sa  Labor Day rally, mahigit  umanong 17,000 sundalo mula sa Pilipinas, Estados Unidos, at iba pang kaalyadong bansa ang kalahok sa pinakamalaking Balikatan exercises na nagsimula noong Abril 20 at tatagal hanggang Mayo 8, 2026.

Bukod dito, tinukoy rin ang mahigit 500 joint engagements sa pagitan ng U.S. Indo-Pacific Command at Armed Forces of the Philippines bilang indikasyon ng tumitinding ugnayang militar ng dalawang bansa.

Iginiit ng mga grupo na hindi lamang umano tradisyunal na pagsasanay militar ang nagaganap, kundi pati paggamit ng mga sibilyang imprastruktura tulad ng mga pantalan at paliparan para sa operasyong militar ng U.S. Binanggit din ang umano’y paglalagay ng Typhon missile system sa Laoag Airport at paggamit ng mga pasilidad sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Ayon pa sa Bayan GL, naapektuhan umano ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda, at katutubong komunidad dahil sa sunod-sunod na military exercises, kabilang ang Exercise Salaknib at Combined Arms Training Exercise (CATEX) sa iba’t ibang probinsya sa Luzon.

Kinuwestyon din ng mga grupo ang paggamit ng mga programang “humanitarian assistance and disaster response” o HADR, na ayon sa kanila ay ginagamit bilang bahagi ng estratehiyang militar ng U.S. sa rehiyon.

Kasabay nito, binatikos din ang pagsali ng Pilipinas sa Pax Silica Initiative, isang programang pinangungunahan ng U.S. na layong palakasin ang produksyon ng semiconductors at iba pang materyales. Ayon sa mga kritiko, posibleng magresulta ito sa pagtatayo ng mga pasilidad para sa paggawa ng kagamitang pandigma tulad ng bala at drone sa loob ng bansa.

Nanawagan ang mga grupo sa pamahalaan na unahin ang pambansang soberanya, kapakanan ng mamamayan, at independiyenteng patakarang panlabas.

Iginiit ng Bayan GL ang kanilang panawagang wakasan ang Balikatan exercises, at muling suriin ang mga kasunduang militar tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Visiting Forces Agreement (VFA). (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C..SANTOS)

📸 Anakbayan Pampanga

Leave a comment