Ang Pahayagan

SINING ZAMBALEÑO, TAMPOK SA SUMMER FAIR 2026

SUBIC BAY FREEPORT — Inaanyayahan ng Department of Trade and Industry (DTI)-Zambales, ang publiko na makiisa at makilahok sa Summer Fair 2026 na gaganapin mula Mayo 2 hanggang 7 sa Promenade area ng Ayala Malls Harbor Point, sa Subic Bay Freeport zone.

Sa temang “Sining Zambaleño: Likhang Kamay, Tatak ng Tagumpay,” tampok sa naturang fair ang One Town, One Product (OTOP) Zambales at ang Creatives Festival ng I-Pilipino na may konseptong “Paglago x Pagyabong: Nurturing Roots, Celebrating Harvest, Empowering Communities,” layunin nitong ipakita ang husay at galing ng mga lokal na artisan, negosyante, at malikhaing Zambaleño.

Sa pagbubukas ng anim na araw na selebrasyon, inaasahang dadalo bilang guests of honor sina DJ Elmo at Hon. Tet Marzan, na magbibigay-buhay sa okasyon kasama ang iba’t ibang live performances.

Hindi lamang pagbebenta ng produkto ang tampok sa fair, kundi isang malawak na karanasan ng sining at kultura. Kabilang sa mga aabangan ang art exhibits at artisan booths mula sa mga lokal na brand at creators tulad ng Blum, Krystal’s Accessories, at Upcycling by Namara. Magkakaroon din ng mga live art activities gaya ng sketching, doodling, at painting na pangungunahan ng mga kilalang artist at art groups sa Olongapo.

Bukod dito, binibigyang-halaga rin ang pagkatuto sa pamamagitan ng serye ng workshops na idinisenyo para sa mga nais paunlarin ang kanilang kakayahan sa sining at negosyo. Kabilang sa mga aktibidad ang clay stamping, basic pottery, art therapy para sa entrepreneurs, paggawa ng upcycled textile products, at mga talakayan hinggil sa branding at kultura.

Ayon sa mga organizer, ang Summer Fair 2026 ay hindi lamang simpleng pagtitipon, kundi isang plataporma upang mapalakas ang lokal na industriya, mapayabong ang malikhaing komunidad, at maipagmalaki ang gawang Zambales sa mas malawak na merkado.

Para sa mga nais lumahok sa workshops, maaaring magparehistro sa pamamagitan ng pag-message sa opisyal na page ng event.

Sa huli, inaanyayahan ang lahat na maki-pista at makiisa sa isang makulay at makabuluhang selebrasyon ng sining, kultura, at kabuhayan ng mga Zambaleño. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment