OLONGAPO CITY– Isang sunog ang sumiklab sa isang compound ng magkakamag-anak sa 1324B Cristobal Extension, Brgy. Sta. Rita, Olongapo City, na nagresulta sa pagkaabo ng limang magkakatabing bahay, kabilang ang tatlong walang tao nang mangyari ang insidente dahil nasa trabaho ang mga nakatira rito.
Ayon kay Armando Valeros, 65 anyos at isa sa mga may-ari ng bahay, pansamantala lamang siyang lumabas upang magkape sa isang karinderya nang maganap ang sunog. Sa kanyang pagbabalik, agad niyang napansin na nilalamon na ng apoy ang kanilang tahanan.
“Lumabas lamang ako para pumunta sa karinderya para magkape. Pagbalik ko, nakita ko na ang pintuan ng bahay namin ay binubuga na ng apoy. Sa sobrang taranta, nagsigaw na ako ng ‘sunog’ at pilit na pumasok para magsalba ng mga gamit, pero hindi ko kinaya ang sobrang init kaya ilang damit lang ang naisalba ko,” ani Valeros.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), natanggap ang tawag ukol sa insidente dakong alas-11:31 ng umaga. Itinaas sa unang alarma ang sunog pagsapit ng alas-11:40 ng umaga at tuluyang idineklarang fire out alas-11:56 ng umaga.
Sa kabila ng mabilis na pagresponde ng mga bumbero, hindi na naisalba ang limang bahay na tinupok ng apoy. Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa naturang insidente.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog, habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment