Ang Pahayagan

KOOPERASYON NG KOMUNIDAD, SUSI SA PATULOY NA PAG-UNLAD NG SAN ANTONIO, ZAMBALES — MAYOR ANTIPOLO

SUBIC BAY FREEPORT — Binigyang-diin ni San Antonio, Zambales Mayor Arvin “Dok” Antipolo na mahalaga ang aktibong partisipasyon ng komunidad at sama-samang pagkilos sa patuloy na pag-unlad ng kanilang munisipalidad.

Sa isinagawang “Talakayan sa Freeport”, nagsilbing resource speaker ang alkalde kung saan inilahad niya ang mga kasalukuyang programa at pangmatagalang plano para sa coastal municipality.

Ayon kay Antipolo, ang mga nakamit ng San Antonio ay bunga ng pagkakaisa ng lokal na pamahalaan at mamamayan. “Lahat ng ating tagumpay ay produkto ng pagtutulungan at aktibong pakikilahok ng komunidad,” ani niya.

Ipinagmalaki rin ng alkalde ang pag-unlad sa turismo, serbisyong pangkalusugan, at mga lokal na negosyo.

Batay sa datos ng lokal na pamahalaan, umabot sa mahigit 400,000 turista ang bumisita sa San Antonio noong nakaraang taon.

Gayunman, kinilala rin ni Antipolo ang mga hamon na kinakaharap ng bayan, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis na may direktang epekto sa transportasyon at turismo.

Nakaapekto rin sa kabuhayan ng ilang residente ang pansamantalang tigil-laot o restriksyon sa pangingisda sa bahagi ng Zambales, kabilang ang San Antonio, kaugnay ng Balikatan Exercises 2026 mula Abril 20 hanggang Mayo 8.

Ayon sa alkalde, agad silang nakipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matugunan ang epekto nito sa mga mangingisda. Nakipag-ugnayan din umano sila sa Presidential Commission on Visiting Forces Agreement at sa mga kinatawan ng panig ng Estados Unidos upang maisama ang lokal na pamahalaan sa pagpaplano ng mga susunod na Balikatan exercises.

Nasa larawan habang ginaganap ang live fire exercise noong nakaraang Abril 28 sa dating San Miguel Base sa San Antonio.(Exercise Balikatan)

Dagdag pa ni Antipolo, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa posibleng ayuda—pinansyal man o in-kind—para sa mga apektadong residente.

Samantala, patuloy ding isinusulong ng lokal na pamahalaan ang mga aktibidad at kaganapan kada dalawang linggo upang suportahan ang micro at small enterprises (MSEs), kabilang ang mga vendor at transport groups tulad ng TODA.

Sa kabila ng mga hamon, nananatiling positibo ang pamahalaang lokal na maipagpapatuloy ang pag-unlad ng San Antonio sa pamamagitan ng matibay na kooperasyon ng komunidad at epektibong pamamahala. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment