BATAAN–Pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office 3 – Regional Soils Laboratory ang region-wide deployment ng Mobile Soil Laboratory para sa Gitnang Luzon na ginanap noong Abril 28, 2026 sa Pilar.
Layunin ng aktibidad na maihatid ang mas mabilis at makabagong serbisyo sa pagsusuri ng lupa para sa kapakinabangan ng mga magsasaka sa rehiyon.
Ang deployment ng Mobile Soil Laboratory ay iikot din sa iba’t ibang bayan sa buong lalawigan ng Bataan upang mas maraming magsasaka ang mabigyan ng serbisyong soil testing at teknikal na suporta.
Ipinaliwanag ni Janine Samelo, Chemist II, ang layunin ng programa at ang ambag nito sa pagsusulong ng 3 A’s of Soil Health—Accessible, Available, at Accurate Solutions.

Isa sa tampok na bahagi ng programa ang talakayan ni Nesalyn Cataquis, Science Research Specialist I, tungkol sa kahalagahan ng Soil Analysis, Soil Sampling, at Soil Health, gayundin ang hands-on training sa STK.
Binigyang-diin sa pagsasanay na mahalaga ang tamang pagkuha ng soil samples upang makakuha ng eksaktong resulta na magsisilbing batayan sa wastong paglalagay ng abono at pangangalaga sa lupa.
Ang Mobile Soil Laboratory ay isang 10-wheeler truck na may kakayahang magsuri ng 42 soil parameters sa mismong lugar.
Ito ay pinagkaloob ng Bureau of Soils and Water Management sa ilalim ng National Soil Health Program.

Sa pamamagitan nito, napabibilis ang pagbibigay ng resulta at rekomendasyon sa mga magsasaka nang hindi na kinakailangang magdala pa ng sample sa malalayong laboratoryo.
Patunay ang programang ito sa patuloy na pagsisikap ng Kagawaran ng Agrikultura na mapalakas ang produksyon ng agrikultura at mapanatili ang kalusugan ng lupa sa Gitnang Luzon. (Ulat at larawan mula sa Department of Agriculture-Central Luzon)


Leave a comment