Ang Pahayagan

BAYANIHAN NG KABATAAN, NAGHATID NG PAGKAIN AT AYUDA SA MGA TSUPER

OLONGAPO CITY — Naglunsad ang ilang estudyante ng Columban College ng isang makabuluhang inisyatibo na naglalayong makatulong sa mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers.

Sa pamamagitan ng programang tinawag na “PUVAYANIHAN,” nakalikom ang mga estudyante ng pondo mula sa kanilang mga naipong baon at boluntaryong donasyon.

Mula rito, nakapaghanda sila ng libreng food packs at mainit na palugaw na kanilang ipinamahagi sa mga drayber ng pampublikong sasakyan.

Ayon sa mga organizers, isinagawa ang aktibidad bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na labis na nakaaapekto sa araw-araw na gastusin ng mga tsuper.

Dagdag pa nila, layunin din nitong maipakita ang kahalagahan ng pagkakaisa at malasakit sa kapwa, lalo na sa panahon ng pangangailangan.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga nakatanggap ng tulong, partikular ang mga PUV drivers na nagsabing malaking ginhawa ang libreng pagkain sa kanilang biyahe. Sa simpleng paraan, napatunayan ng mga kabataang Olongapeño na ang diwa ng bayanihan ay nananatiling buhay—isang inspirasyon na ang maliit na ambag, kapag pinagsama-sama, ay nagiging malaking tulong sa komunidad. NI: MITCH C. SANTOS

Leave a comment