ANGELES CITY, Pampanga — Nagsagawa ng caravan protest ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Central Luzon at mga kaalyadong grupo nitong Linggo, Nob. 15 upang tutulan ang Pax Silica at Luzon Economic Corridor, na ayon sa kanila ay nagbabanta sa lupain, kabuhayan at pambansang soberanya.

Nilahukan ang pagkilos na may temang “Sakbayan ng Paglaban: Central Luzon Rises Against Trump, Pax Silica, and US Imperialist Intervention” ng mga magsasaka, manggagawa, guro, kabataan at mga organisasyong sibiko.

Ayon kay Pol Viuya, tagapangulo ng BAYAN Central Luzon, interesado ang Estados Unidos sa likas na yaman ng Pilipinas upang magamit sa pagsusulong ng mga digmaan sa Asya at rehiyong Indo-Pacific.

Iginiit naman ni Ronald Sacay ng Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita na nagpapatuloy ang pangangamkam ng lupa sa kabila ng matagal nang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa.

Kinondena rin ni Eco Dangla ng BAYAN-Gitnang Luzon ang umano’y pananakot at pagtatangkang patahimikin ang mga mamamayang nagpapahayag ng kanilang mga hinaing at pananaw.

Nagtapos ang programa sa isang pagtatanghal kung saan winasak ng mga lider ng grupo ang malaking larawan ni United States President Donald Trump bilang pagpapakita ng kanilang pagtutol sa impluwensiya ng Estados Unidos sa bansa.

Matapos ang programa sa Astro Park sa Angeles City, iniulat ng BAYAN Central Luzon na hinarang at sinundan ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG), Land Transportation Office (LTO) at pulisya ang apat na van na sinasakyan ng mga kalahok.

Ayon sa grupo, kinunan ng larawan ng mga awtoridad ang mga sasakyan at mga dokumento ng mga ito, kabilang ang mga lisensya ng mga drayber. Sinabi rin nilang sinundan ng isang sasakyan ng Regional Highway Patrol Unit (RHPU) ang kanilang convoy malapit sa Luisita Access Road.

Kinondena ng BAYAN Central Luzon ang insidente at iginiit na hindi dapat ituring na banta o kriminal ang mga mamamayang mapayapang nagpapahayag ng pagtutol sa mga proyektong pinaniniwalaan nilang makaaapekto sa lupain, kabuhayan at soberanya ng bansa. (Ulat at mga kuhang larawan ni Michael “Mitch” C. Santos)

Leave a Reply

Trending