SUBIC, Zambales– Pinalalakas ng Kolehiyo ng Subic at Kazama Grameen Microfinance Inc. (KGMI) ang kanilang pagtutulungan sa larangan ng edukasyon at pagpapaunlad ng kakayahan matapos pormal na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng programang Lifelong Education for Advancement and Professional Growth (LEAP).
Idinaos ang paglagda sa kasunduan noong Nobyembre 4, 2026, ganap na alas-9:00 ng umaga sa KGMI Multi-Purpose Hall, na nagsilbing panimulang hakbang sa pagsusulong ng mga programang magbibigay ng karagdagang oportunidad sa pagkatuto at propesyonal na pagsasanay.
Binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng patuloy na edukasyon bilang mahalagang bahagi ng personal at propesyonal na pag-unlad, lalo na sa pagpapahusay ng kaalaman, kasanayan at kakayahan ng mga indibidwal.

Nagbigay ng pambungad na mensahe si Ronald V. Tactaquin, Executive Director ng KGMI, habang naghatid naman ng mensahe si KGMI President Marlou R. Concepcion.
Samantala, nagpahayag din ng suporta si Dr. Rosely Agustin, College President ng Kolehiyo ng Subic. Sinundan ito ng presentasyon sa nilalaman ng kasunduan ni Dr. Jennifer M. Assuncion, Vice-President for Research and Extension Services.
Naging bahagi rin ng programa ang seremonya ng paglagda at pagsaksi sa MOA bilang pormal na pagpapahayag ng pangako ng dalawang institusyon na magtulungan sa pagpapatupad ng LEAP.
Pinangunahan naman ni Dr. Norwin B. Nicol, Coordinator ng Community Extension Services Office ng Kolehiyo ng Subic, ang pangwakas na mensahe.
Nagsilbing tagapagdaloy ng programa si Ginalyn Cipriano, habang pinangunahan ni Elenita Enconado, Accounting Unit Officer ng KGMI, ang pambungad na panalangin.
Sa pamamagitan ng LEAP, inaasahang mabubuksan ang mas maraming pagkakataon para sa patuloy na pag-aaral at pagpapahusay ng kakayahan, kasabay ng pagpapatibay sa ugnayan ng dalawang institusyon tungo sa mas malawak na serbisyong pang-edukasyon at propesyonal na pag-unlad. (Ulat ni Mitch C. Santos)




Leave a Reply