SUBIC BAY FREEPORT — Hinimok ng labor group NAGKAISA! ang pamahalaan na magbigay agad ng income support at iba pang ayuda sa mga manggagawang naapektuhan ng malaking sunog sa Jinboway Industries sa Subic Bay Freeport noong Nobyembre 4.
Sa pahayag ni labor leader Atty. Sonny Matula, hiniling ng grupo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na pangunahan ang inter-agency response kasama ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) upang matukoy ang mga apektadong manggagawa, masuri ang kanilang kalagayan sa trabaho at kita, at matiyak ang pagkakaloob ng nararapat na suporta, sahod, kompensasyon at benepisyo.
Hinimok din ng NAGKAISA! ang SBMA na magbigay ng malinaw na commitment sa mga manggagawa at kanilang pamilya, habang tiniyak naman ng DOLE na tutuparin ng mga employer ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng batas paggawa.
Hiniling din ng grupo ang masusing imbestigasyon sa sunog, kabilang ang inspeksyon sa pagsunod sa Occupational Safety and Health Standards Law o Republic Act No. 11058, at paglilinaw sa bilang ng mga manggagawang naapektuhan, nasugatan, nawawala o nasawi.
Samantala, sinabi ni Olongapo Public Employment Service Office (PESO) head Mario Esquillo na mahigit 4,000 manggagawa ang empleyado ng Jinboway, higit kalahati rito ay mula sa Olongapo.
Ayon kay Esquillo, wala umanong naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente, ngunit nangangamba ang pamahalaang lungsod na maraming manggagawa ang mawalan ng trabaho dahil sa pagkasira ng planta.
Sinabi niyang inatasan ni Olongapo Mayor Atty. Rolen Paulino Jr. ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at PESO na maghanda ng posibleng tulong para sa mga apektadong manggagawa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PESO sa SBMA Labor Department at DOLE Zambales Field Office para sa mga hakbang na maaaring ipatupad.
Bilang bahagi ng pagtugon sa posibleng pagkawala ng trabaho, inihahanda rin ang dalawang major job fairs sa Nobyembre 26 at Disyembre 8 na pangungunahan ng PESO katuwang ang SBMA Labor at DOLE Zambales.
Ayon sa PESO, hindi lamang Jinboway ang naapektuhan ng sunog. Tatlo pang kalapit na pabrika ang nadamay sa insidente. Hiniling naman ng PESO sa publiko na iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon tungkol sa sunog at sa mga programang inilaan para sa mga apektadong manggagawa. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a Reply