SUBIC BAY FREEPORT — Isang bumbero ang nagtamo ng minor injury habang rumeresponde sa sunog sa isang pabrika ng outdoor sports bag sa Subic Gateway Park Phase II nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Fire Department, nagtamo ng pilay sa bukung-bukong si Firefighter Angelica De Guzman habang tumutulong sa pag-apula ng apoy. Binigyan siya ng paunang lunas ng Philippine Red Cross Emergency Medical Services.
Nagsimula ang sunog dakong alas-10 ng gabi sa tatlong palapag na gusaling ginagamit bilang pabrika at bodega ng Jinboway.
Ayon sa isang saksi, pinaniniwalaang nagsimula ang apoy sa ground floor. Naamoy naman ng mga empleyado sa ikalawang palapag ang usok kaya agad silang lumikas.
Rumesponde sa insidente ang mga bumbero mula sa SBMA, Bureau of Fire Protection (BFP) ng Olongapo, Subic, Angeles City at Lubao, Pampanga, kasama ang mga volunteer fire brigade at tauhan ng Disaster Risk Reduction and Management Office.
Gumamit din ang mga rumespondeng bumbero ng mga aerial ladder upang maabot at maapula ang apoy.
Pagsapit ng alas-4 ng madaling-araw nitong Huwebes, nakaririnig pa rin ng mga pagsabog mula sa nasusunog na bodega habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga bumbero.
Kumalat din ang makapal at maitim na usok sa Subic Freeport Expressway at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), na nagdulot ng halos zero visibility sa ilang bahagi ng mga kalsada. Umabot din ang usok sa Central Business Area ng Freeport.
Nag-deploy ng mga traffic patrol personnel upang magbantay sa lugar at tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista. Pinayuhan ang mga bumibiyahe sa Subic Freeport Expressway, SCTEX at North Luzon Expressway (NLEX) na patungong Maynila na mag-ingat dahil sa panganib na dulot ng usok.

Samantala, naglabas ang SBMA ng emergency health alert kaugnay ng panganib sa kalusugan mula sa makapal na usok.
Pinayuhan ni Armina Llamas, manager ng SBMA Corporate Affairs Department, ang mga taong malapit sa lugar na magsuot ng maayos na face mask at iwasang manatili sa paligid kung wala namang mahalagang pakay doon.
Sa pinakahuling ulat ng SBMA Fire Department, kontrolado na ang sunog. (Ulat din si Mitch C. Santos)




Leave a Reply