OLONGAPO CITY — Kinuwestiyon ni Olongapo City Vice Mayor Kaye Legaspi ang ₱2.4-milyong water fountain at landscaping project sa harap ng City Hall, at hinimok ang pamahalaang lungsod na unahin ang mga proyektong may pangmatagalang pakinabang sa mga residente.

Sa kanyang Facebook post, nagpahayag ng pagkadismaya si Legaspi sa halaga at tagal ng implementasyon ng proyekto, gayundin sa umano’y kawalan ng project signboard. Sinabi niyang sumulat siya sa City Engineering Office noong Agosto 26 upang alamin ang estado nito.

Iminungkahi rin niya na dapat sana ay mas bigyang-prayoridad ang disaster preparedness at paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño. Ayon sa bise alkalde, nagsumite na siya ng mga panukalang proyekto para sa mga naturang programa.

Binanggit din ni Legaspi ang iniulat na ₱15.9-milyong pagbili ng lupa sa Barangay Kalaklan para sa land banking.

Samantala, ipinagtanggol ni City Public Information Office head Anthony Bayarong ang proyekto, at sinabing bahagi ito ng pagpapaganda sa mga pampublikong lugar sa lungsod, tulad ng Marikit Park at Volunteers Park.

Ayon kay Bayarong, dumaan sa tamang proseso ang proyekto, kabilang ang pag-apruba ng Sangguniang Panlungsod at public bidding.

Sinabi rin niyang magkakahiwalay ang pondo para sa beautification projects at iba pang pangunahing serbisyo tulad ng social welfare, kalusugan, edukasyon, kalsada at iba pang imprastraktura.

Bagama’t inamin ni Bayarong na naantala ang proyekto, sinabi niyang kailangan pa niyang alamin ang dahilan nito. Hindi rin siya nagbigay ng tiyak na pagtataya kung makatwiran ang halaga ng proyekto, ngunit binanggit na wala siyang nakikitang indikasyon ng sobrang presyo batay sa paunang pagtatanong niya sa ilang pribadong kontratista. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

Leave a Reply

Trending