SUBIC BAY FREEPORT — Nagsagawa ng tatlong araw na strategic planning ang Kazama Grameen Microfinance Inc. (KGMI) para sa mga programa at operasyon nito sa 2027 sa Seorabeol Grand Leisure Hotel sa Subic Bay Freeport Zone mula Oktubre 28 hanggang 30, 2026.

Pinangunahan nina KGMI President Marlou R. Concepcion, Chairman Dr. Ricardo S. Reyes Jr., at KGI-MBA President Liberty Arellano ang pagbubukas ng aktibidad na may temang “HEART at WORK, HANDS on DIGITAL.”

Sa unang araw, sinuri ng mga kalahok ang datos sa operasyon at pananalapi ng kumpanya, kabilang ang mga natuklasan sa audit ng MNRC. Nagsagawa rin sila ng SWOT analysis upang matukoy ang mga kalakasan, kahinaan, oportunidad at banta na maaaring makaapekto sa organisasyon.

Tinalakay naman sa ikalawang araw ang vision, mission at core values ng kumpanya, gayundin ang mga estratehiya para sa susunod na taon. Nagkaroon din ng mga presentasyon ng grupo at talakayan sa pag-uugnay ng mga layunin upang matiyak ang pagkakatugma ng mga plano sa direksyon ng organisasyon.

Sa huling araw, binuo ang One-Page Strategic Plan at nilagdaan ang mga commitment bilang bahagi ng paghahanda sa pagpapatupad at pagsubaybay sa mga napagkasunduang estratehiya.

Ayon sa KGMI, nakatuon ang pagpaplano sa pagsusulong ng digital transformation habang pinananatili ang malasakit sa mga kliyente at pagpapaunlad ng mga serbisyong microfinance. (Ulat ni Mitch C. Santos)

Leave a Reply

Trending