SAN MARCELINO, Zambales — May kabuuang 2,300 pamilya sa tatlong barangay ng San Marcelino, Zambales, ang nakatanggap ng relief assistance mula sa Office of the Vice President (OVP) sa isinagawang sabayang pamamahagi ng tulong nitong Miyerkules ng umaga, Oktubre 14.
Isinagawa ang relief operation sa Barangay Santa Fe, Barangay Buhawen, at Barangay Aglao, katuwang ang lokal na pamahalaan ng San Marcelino.


Batay sa bilang ng mga ipinamahaging relief packs, 1,000 ang inilaan sa Santa Fe, 800 sa Buhawen, at 500 sa Aglao, kung saan bawat pamilya ay nakatanggap ng tig-iisang pack.
Kabilang sa mga ipinamahaging tulong ang bigas, inuming tubig, medical kits, at loot bag na naglalaman ng banig, hygiene kit, at tsinelas upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Nanguna sa isinagawang distribusyon ng mga relief pack sa Barangay Aglao sina Vice Mayor Jimbo Gongora, Municipal Councilor Dr. Lala Aquino at iba pang miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Marcelino.


Samantala, nasa Barangay Santa Fe si Mayor Elvis Ragadio Soria kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Bayan at si Eymard D. Eje, Head ng Disaster Operations Center ng OVP, para sa pagsasagawa ng relief operation sa lugar.
Isinagawa ang sabayang pamamahagi sa tatlong barangay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng OVP at lokal na pamahalaan upang maihatid ang tulong sa mga residente.

Kasama rin sa operasyon ang mga volunteer mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG), na tumulong sa pagbubuhat at pamamahagi ng mga relief goods. || Marti Dumaguing / Ang Pahayagan




Leave a Reply