OLONGAPO CITY– Arestado ang dalawang hinihinalang high-value individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) sa Jolo Tabacuhan, Barangay Sta. Rita, Olongapo City, dakong alas-11:45 ng gabi noong Lunes, Oktubre 12, 2026.
Kinilala ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Edek,” 29 anyos, residente ng Barangay Sta. Rita, at “Neneng,” 27 anyos, residente ng Barangay New Kababae. Kapwa sila kabilang sa mga bagong natukoy na high-value individual sa ilegal na droga.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon alinsunod sa Target Intelligence Packet Control Number A-2026-15-PRO3-OCPO-CDEU, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.
Nasamsam sa operasyon ang apat na heat-sealed plastic sachet at isang buhol na plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 61.84 gramo.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱420,512 ang nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga batay sa standard drug price. Narekober din ang ₱1,000 na ginamit bilang buy-bust money.
Dinala ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa tanggapan ng CPDEU para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)





Leave a Reply