SAN ANTONIO, Zambales — Mahigit 10,000 runner at tagasuporta ang lumahok sa ikalawang leg ng Trilogy Run for the West Philippine Sea noong Linggo, Okt. 11, upang ipakita ang suporta sa pagtatanggol sa karapatan at soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Sa temang “Takbo para sa Bayan. Takbo para sa West Philippine Sea,” itinampok sa aktibidad ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda na mangisda sa karagatan ng bansa, ayon kay San Antonio Mayor Arvin Antipolo, punong-abala ng naturang gawain.
Sinabi ni Antipolo na layunin ng patakbo na palakasin ang pagkakaisa, pagmamahal sa bayan at suporta sa mga mangingisda, gayundin ang pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas.

Kabilang sa mga lumahok si Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko sa mga usapin sa WPS.
“Hindi lamang ito tungkol sa mapa o teritoryo. Ito ay tungkol sa kinabukasan ng ating mga kapwa Pilipino, sa ating dignidad bilang mga Pilipino, at sa kinabukasan ng susunod na henerasyon,” pahayag ni Abalos sa panayam ng media.
Bago simulan ang patakbo, bumuo ang mga kalahok ng human chain na hugis mga letrang W-P-S bilang simbolo ng pagkakaisa sa pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa naturang karagatan.

Bukod sa mga residente ng iba’t ibang bayan sa Zambales, dumayo rin sa aktibidad ang mga kalahok mula sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga.
Matapos ang patakbo, pinangunahan nina Abalos at Antipolo ang pamamahagi ng mga food at vitamin pack sa mga senior citizen na residente ng mga baybaying barangay ng San Antonio.

Naglaan din ng anim na bangkang pangisda para sa mga kooperatiba ng mangingisda sa mga barangay ng Pundaquit at San Miguel upang makatulong sa kanilang kabuhayan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)





Leave a Reply